top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Delta, naangkin ang korona ng NBL President's Cup

BULGAR
Jun 28, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 28, 2022



Matagumpay na nanatili sa kamay ng Pampanga Delta ang kampeonato matapos talunin ang bisitang DF Bulacan Republicans, 86-83, sa pagwawakas ng 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup handog ng Converge Linggo ng gabi sa Bren Z. Guiao Convention Center.

Kinoronahan din bilang kampeon ng mga kasabay na 2022 Women’s National Basketball League (WNBL) ang Army Lady Battalion at Pampanga Junior Delta sa NBL Youth Under-19.

Kinailangang humabol ang Delta mula sa 64-72 sa unang minuto ng 4th quarter sa likod ng pagbibida nina Michael Jeffrey Garcia at Mark Jason Tamayo at bigyan ng nararapat na despedida ang kanilang sentro na si Justine Baltazar. Gumawa ng 7 puntos si Garcia at dalawang three-points kay Tamayo para umabante papasok sa last 2 minutes, 85-80, at kumapit ng mabuti ang Pampanga at wakasan ng maaga ang seryeng best-of-three.

Matapos walang pinuntos sa Game 1 noong Biyernes, bumawi si Garcia at nagsabog ng 24 puntos. Sa huling laro niya sa Pilipinas bago pumunta ng Japan at maglaro roon, nagtala ng 20 puntos at 18 rebound si Baltazar upang regaluhan ng isa pang kampeonato sa NBL ang kanyang lalawigan kasunod ng 2019-2020 President’s Cup at 2021 Chairman’s Cup.

Binuhat ni Janine Pontejos ang Army kontra sa PSI Air Force, 70-57, at walisin ang seryeng best-of-three. Bumuhos ng 13 sunod-sunod na puntos ang Lady Battalion sa 4th quarter sa likod nina Pontejos at Chak Cabinbin upang umarangkada palayo, 61-51, at 4 na minuto ang nalalabi.

Bumomba ng 33 puntos si Pontejos, mas mababa ng isa sa markang 34 puntos ni Raiza Palmera-Dy noong 2021 para sa Glutagence Glow Boosters. Tinulungan siya ni Cabinbin na may 14 puntos at 9 na assist.

Nagpasikat si Justine Bautista sa kanyang 18 puntos upang ibigay sa Junior Delta ang kampeonato sa NBL Youth Under-19 kontra Yengskivel San Jose del Monte, 85-70. Kumilos ang Pampanga sa 3rd quarter sa pamamagitan ng 11 sunod-sunod na puntos upang lumayo, 56-45, at hindi na sila lumingon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page