top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Delta, Barons, Republicans at Generals sa NBL Semifinals

BULGAR
Jun 12, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 12, 2022



Apat na matitibay na koponan ang nalalabi sa pagbukas ngayong araw ng best-of-three semifinals ng 2022 National Basketball League (NBL) President's Cup sa Bren Z. Guiao Convention Center ng San Fernando, Pampanga.


Tampok dito ang laban ng defending champion, Pampanga Delta at bisitang Quezon Barons sa 6 ng gabi kasunod ang tapatan ng DF Bulacan Republicans at Taguig Generals sa 4 p.m.


Iikot muli ang laro ng Delta kay dating Gilas Pilipinas Justine Baltazar na angat na angat ang kalidad sa ibang mga sentro ng NBL. Malalim ang koponan at maraming tutulong kay Baltazar na sina Michael Jeffrey Garcia, Clifton Gania at kapwa higante Matt William de Leon at Al Liangco.

Itatapat sa kanila ang tambalan na Domenick Verga at Christopher Lagrama na malaking bagay sa natamasang tagumpay ng Barons. Hamon sa Quezon ang paano pipigilan ng kanilang mga malaki na si Baltazar.


Opensa laban sa depensa ang magiging usapan sa kabilang serye ng Bulacan at Taguig. Ipinakita ng Republicans ang talas ng kanilang shooting sa likod nina Marlon Monte, Joseph Celso at Earnest Reyes at madali sa kanila ang umabot ng 100 puntos.


Kilala ang Taguig sa matinding depensa at nagreresulta ito sa mga puntos para kay Jonathan Lontoc, Fidel Castro, Dan Anthony Natividad at Noel Santos na lahat ay napiling Krooberg Best Player. May kampeonato ang Taguig sa NBL noong 2019 kung saan winalis nila ang Delta, 2-0.


Ang mga Game 2 ay nakatakda sa Hunyo 18. Kung kailangan, agad gaganapin ang Game 3 sa Hunyo 19.


Samantala, paglalabanan sa 2 p.m. ng numero unong Taguig Lady Generals at Army Lady Battalion ang karapatan na harapin ang PSI Air Force sa 2022 Women's National Basketball League (WNBL) Finals. Ginulat ng Army ang Taguig sa Game 1, 64-62. Subalit itinabla ng Lady Generals ang serye sa Game 2, 63-51.


Laro ngayong Linggo -Bren Z. Guiao Convention Center


2 p.m. Taguig vs. Army WNBL

4 p.m. Bulacan vs. Taguig ; 6 p.m. Quezon vs. Pampanga.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page