Delivery boy ng flower shop… INA, 23 YRS. ANG TANDA SA BAGONG LALAKI
- BULGAR
- Mar 19, 2021
- 1 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | March 19, 2021

Isang mapait na nakaraan ang magiging dahilan ng pagtatagpo nina Ina Raymundo at Paulo Angeles sa kuwento nilang puno ng hugot sa iWantTFC original anthology series na Ampalaya Chronicles na mapapanood nang libre sa Marso 26.
Pangatlong episode ang Me & Mrs. Cruz, kasunod ng Adik at Labyu Hehe, kung saan mabubuo ang isang malalim na samahan sa pagitan nina Eva Cruz (Ina) at Caloy (Paulo) sa kabila ng kanilang 23-taong age gap.
Si Caloy ay isang masayahin at palabirong delivery boy ng flower shop habang si Eva naman ay isang sosyal na babaeng mahilig gumimik para makalimutan ang lungkot sa pagkawala ng kanyang asawa.
Sa kabila ng kanilang pagkakaiba, nagkakapareho naman sila sa pinagdaanang mapait na pag-iibigan noon.
Dito maaakit si Caloy sa pagka-misteryosa ni Eva at susubukang pawiin ang lungkot nito.
Magtagumpay kaya siya? Mauuwi nga ba sa pagmamahalan ang kanilang samahan?
Ang Me & Mrs. Cruz ay batay sa piyesa ni Jerome Dawis at kabilang din sa cast sina Kat Galang, Kristof Garcia, Mark Wei, JM Mendoza, Sophie Reyes, Nicki Morena at Ms. Frances Makil-Ignacio.
Ang episode naman ay mula sa direksiyon ni Real Florido.
Ang seryeng Ampalaya Chronicles ay base sa best-selling book at stage performances ng “spoken word” na “Ampalaya Monologues” ni Mark Ghosn.
Mapapanood nang libre sa buong mundo ang Me & Mrs. Cruz, pati na rin ang unang dalawang episodes na Adik at Labyu Hehe sa Marso 26 sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com.
Comments