Delegasyon ng Pilipinas sa WHO FCTC pinuri sa pagdepensa sa mga magsasaka, komunidad
- BULGAR

- 4 days ago
- 3 min read
ni Chit Luna @News | November 21, 2025

Photo File: World Health Organization FCTC celebration event Geneva Switzerland -15 Year Anniversary of the WHO FCTC celebration event Geneva Switzerland 5 March 2020. Photo Credit Secreta
Tumanggap ng matinding papuri mula sa mga grupo ng magsasaka ang delegasyon ng Pilipinas sa nagaganap na ika-11 Conference of the Parties (COP) ng WHO Framework Convention on Tobacco Control (WHO FCTC) sa Geneva, Switzerland.
Ito ay dahil sa mariing paggigiit ng delegasyon sa karapatan ng bansa na suriin ang mga iminumungkahing hakbang alinsunod sa pambansang prayoridad at kapasidad—lalo na kung ang mga hakbang na ito ay makakaapekto sa kabuhayan ng mga taga-bukid at mga komunidad na nagtatanim ng tabako.
Sa kanyang pambungad na pahayag, binigyang-diin ni Ambassador Carlos Sorreta, pinuno ng delegasyon ng Pilipinas sa WHO FCTC, ang kahalagahan ng responsableng transisyon para sa mga komunidad na umaasa pa rin sa tabako dahil sinusuportahan pa rin ng pananim na ito ang mga komunidad sa Pilipinas.
Ayon kay Sorreta, dapat tiyakin na ang mga transisyon ay sosyal at ekonomikal na responsable para pag-ibayuhin ang kabuhayan at panatilihin ang pamumuhunan, na naaayon sa batas at sa convention.
Binibigyan ng Pilipinas ng kahalagahan ang “soberanya at iba't ibang pambansang konteksto sa pagpapatupad ng gabay,” sabi ni Sorreta.
Ang posisyon na ito ay nagbibigay-diin na ang mga posibleng hakbang sa ilalim ng FCTC ay hindi sapilitan at dapat umayon sa umiiral na batas at ginagabayan ng konsultasyon.
Ang paninindigan ng delegasyon ay ikinatuwa ng mga lokal na grupo na nag-aalala tungkol sa epekto ng mga 'matitinding' mungkahi na walang pagsasaalang-alang sa mga lokal na realidad.
Ang Northern Luzon Alliance (NLA), isang kongresyonal na bloc na binubuo ng mga kinatawan mula sa mga probinsyang nagtatanim ng tabako, ay nagsabing nakatulong ang posisyon ng Pilipinas na masiguro na ang mga patakarang hindi tugma sa kondisyon ng agrikultura sa mga rehiyon ng tabako ay hindi ipapataw.
Ayon sa NLA, sinusuportahan nila ang delegasyon ng Pilipinas sa pagtataguyod sa kapakanan ng mga magsasaka, konsyumer at komunidad sa mga probinsyang nagtatanim ng tabako at hindi pagsang-ayon sa mga panukala na tapusin ang suporta ng gobyerno para sa mga nagtatanim, magpataw ng quota at tuluyang itigil ang pagbebenta ng tabako na hindi makatotohanan.
Hindi tugma ang nasabing panukala sa agrikultural at ekonomikong realidad ng Pilipinas, sabi ng grupo.
Idinagdag pa nila na kung tinanggap ang mga mungkahing ito, katumbas ito ng isang 'economic death sentence' para sa mga probinsyang agrikultural at mga industriyang konektado sa kanila.
Ang mga hakbang na ito ay lubhang makakasama sa kabuhayan ng mga taga-bukid, makakagambala sa mga legal na industriya at ilalagay sa panganib ang mga kita na nagpopondo sa mahahalagang pampublikong serbisyo, ayon sa NLA.
Samantala, binigyang diin ng Federation of Free Farmers (FFF) ang matagal nang papel ng tabako sa ekonomiya ng mga taga-bukid.
Ang tabako ay nananatiling pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan sa halos 20 probinsya, ayon sa FFF. Ito ang tanging pinagkukunan ng kita ng maraming pamilya sa loob ng maraming henerasyon, dagdag nito.
Kinikilala ng delegasyon ng Pilipinas ang mga realidad na ito, ayon sa FFF.
Sa pagprotekta sa mga magsasaka at mga komunidad na umaasa sa pananim na ito, nagpakita ang delegasyon ng Pilipinas ng awa at katarungan, wika ng FFF.
Piniling pakinggan ng delegasyon ang mga tao na siyang unang magdurusa at higit na maaapektuhan ng panukalang laban sa tabako.
Nagpasalamat ang FFF sa delegasyon ng Pilipinas sa pagsuporta hindi lamang sa pananim, kundi sa dignidad at kinabukasan ng mga magsasaka.








Comments