Delay na sahod at benepisyo, dahilan kaya hirap kumuha ng mga bagong doktor
ni Ryan Sison - @Boses | September 15, 2021
Ramdam ang matinding kakulangan sa tauhan sa Philippine General Hospital (PGH).
Ito ay matapos magbitiw sa trabaho ang ilang nurses at doktor, kabilang ang 11 volunteer doctors na hindi nag-renew ng kontrata sa PGH.
Ayon sa tapagsalita ng ospital, mahirap magbukas ng mas maraming ward kung walang sapat na mga doktor para alagaan ang mga pasyente.
Bagama’t alam na umano ng DOH ang problema at handa naman itong sagutin ang sahod ng mga kukunin nilang doktor, ang problema ay hindi rin madaling mag-hire, lalo na’t maraming reklamo hinggil sa kompensasyon.
Alam nating buwis-buhay ang ginagawa ng ating frontliners, kaya dapat lang silang mabayaran nang tama. Pero ang nangyayari, kahit ang basic hazard pay at special risk allowance (SRA) ay nade-delay pa.
Samantala, made-delay din ang pagsabak ng mga bagong doktor dahil kinansela ang physician’s licensure exam sa National Capital Region (NCR) na dapat ay ngayong Setyembre 11 at 12, at 18 at 19 dahil na rin sa panawagan ng mga kukuha ng exam. Gayundin, suportado ng medical students ang mga panawagan na itaas ang sahod at ibigay ang mga benepisyo ng mga healthcare workers.
Kung tutuusin, walang katumbas ang pagod at sakripisyo ng ating healthcare workers kaya sana ay maibigay naman ang mga benepisyong ipinangako sa kanila.
Matatandaang pangunahing COVID-19 referral facility sa bansa ang PGH, kaya’t inaasahan na ang pagdami ng mga pasyente, lalo’t tuloy din ang hawaan sa bansa.
At malaking problema ang kakulangan ng mga doktor at iba pang health workers sa gitna ng pandemya, kaya dapat lang itong masolusyunan sa lalong madaling panahon.
Hindi natin puwedeng hayaan lang ang mga pasyente na mahirapan at mag-isang lumaban sa virus.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments