top of page

Dehins kailangang mag-travel, besh! Iba’t ibang paraan para magka-peace of mind

  • BULGAR
  • Oct 9, 2022
  • 2 min read

ni Mharose Almirañez | October 9, 2022



ree

Gulung-gulo na ba ang utak mo kaiisip sa dami ng problema? ‘Yung tipong, gabi-gabi kang napupuyat kao-overthink? At kung puwede lang pumunta agad sa maaliwalas na lugar upang du’n makapagmuni-muni, pero hindi keri ng budget. Jusko, beshie, I feel you!


Pero knows mo ba na hindi mo naman kailangang bumiyahe sa malalayong lugar o pumunta sa nagte-trend na ‘Instagramable’ spot para lamang magkaroon ng peace of mind, dahil puwedeng-puwede mo ‘yang ma-achieve sa pamamagitan lamang ng mga sumusunod:


1. MAKINIG NG RELAXING MUSIC. Halimbawa ay ang mga healing music, meditation music, spa music, lullaby, zen, flowing river at iba pang nakakapag-pakalmang tono. Epektibo rin itong background music upang makapag-focus sa pagre-review ang isang estudyante. Hindi mo kailangang magtravel, sapagkat ise-search mo lang ang mga nabanggit na keywords sa YouTube, at para nang nakapag-teleport ang iyong imagination papunta sa ibang dimension o sa lugar kung saan malayo sa stress.


2. MANOOD NG DOCUMENTARIES. Kung gusto mong kumalma ay huwag kang manood ng palabas na puro drama o suspense, sapagkat lalo ka lamang mai-stress. Sa halip ay manood ka ng mga documentary na may monotonous na pagsasalaysay. Ang pagiging informative ng documentary ay nakakatulong upang magbigay ng karagdagang impormasyon at matabunan pansamantala ang mga bumabagabag sa iyo.


3. HUWAG MAKINIG SA SASABIHIN NG IBA. Sa halip na makinig sa mga sinasabi nila ay lumayo ka na lamang. Posible kasing kaya mo naa-attract ang negativity ay dahil puro negative vibes ang nasa paligid mo. Kumbaga, sila ang humahatak sa ‘yo para ma-stress. ‘Ika nga, “One of the greatest freedom is the freedom from fear of people’s unreasonable opinion of you.” Kumbaga, kapag wala kang pakialam sa iniisip nila, malaya ka.


4. THINK POSITIVE. Tandaan, everything happens with a purpose, it can either be a lesson or a blessing. Hindi naman maiiwasang mag-alala, pero haluan mo rin ng positive mindset para manaig ang positive outcome. Lahat ng bagay ay may dalawang sides, kaya kung puro negative ang nae-encounter mo, hanapin mo ‘yung kabilang side.


5. MANALANGIN. Walang mas nakakagaan ng pakiramdam kundi ang pagdadasal. Kausapin mo sa iyong isipan ang Panginoon. Mangumpisal, magpasalamat at magkuwento nang mataimtim. Sa paraang ito ay nailalabas mo ang iyong mga emosyon at saloobin. Lagi naman Siyang nakikinig at hindi ka Niya huhusgahan.


6. MAG-EXERCISE. Nakakawala ng stress ang pag-e-exercise, kaya isama mo na ito sa iyong schedule. Sey ng experts, kada pawis na inilalabas mo sa iyong katawan ay may katumbas na daily dose of happiness. Hindi lamang nito nabu-boost ang iyong mood, concentration at alertness kundi nai-improve rin nito ang iyong cardiovascular at overall physical health. Gasino lang naman ‘yung 15 minutes na exercise, ‘di ba?


7. MAG-SHARE NG PROBLEMA SA IBA. Mainam kung may isang tao kang napagsasabihan ng mga bagay na nagpapabigat sa iyong isip at damdamin. Hindi naman mahalaga kung may maipapayo siya sa ‘yo o wala, dahil ang importante ay ‘yung presensiya niya. Nand’yan siya bilang taong masasandalan at nagsisilbing pahinga mo. Mahirap kasi kung sasarilihin at kikimkimin mo lang ang lahat ng problema, ‘di ba?


Sana ay makatulong ang mga nabanggit upang mabawasan ang mga nakakapagpabigat sa ‘yong isip. ‘Wag kang mag-alala dahil malalagpasan mo rin ang problema at makakamit ang peace of mind na pinapangarap.


Hope you feel better soon, beshie!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page