ni Ryan Sison @Boses | April 18, 2024
NATAKPAN na ang malalim na butas na nadiskubre sa Sales Road sa Pasay City.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang halos 10 talampakang deep hole ay matatagpuan sa silangang direksyon ng Sales Road sa pagitan ng Gates 4 at 2 ng Villamor Air Base.
Sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasemento na nila ang naturang butas. Matapos matuyo ang semento, bubuhusan naman nila ito ng aspalto.
Anang MMDA, asahan nang bubuksan sa mga motorista ang apektadong bahagi ng Sales Road.
Pansamantala nilang binuksan ang westbound lane para sa mga motoristang patungo sa silangang bahagi habang patuloy ang pagkukumpuni upang ayusin ang malalim na butas.
Batay sa ulat, isang busted water pipe ng Maynilad Water Services Inc. ang naging sanhi ng paglambot ng lupa, na humantong sa ganoong pangyayari.
Matatandaan na noong Linggo, unang namataan ng umaga ang butas na isang maliit na bagay na may mga bitak. Ang maliit na butas ay mabilis na na-develop na naging 3-meter crater na may lalim na 10 talampakan. Pansamantalang isinara ng MMDA ang apektadong lane para kumpunihin at isaayos. Dumating naman ang Maynilad upang isara ang water valve para maiwasan ang karagdagang pagtagas ng tubig, habang ang mga otoridad ay gumamit ng isang vacuum truck upang alisin ang tubig mula sa butas at matukoy ang pinagmulan ng water leak.
Sinuri at tsinek din nila kung naapektuhan ng butas ang katatagan ng pundasyon ng Skyway.
Gayunman, sinabi ni MMDA chairperson Romando Artes na sa ngayon ay ligtas ang ating Skyway.
Mabuti at agad na naisaayos ang nasabing deep hole sa bahagi kung saan malapit sa Villamor Air Base at kinatatayuan ng pundasyon ng Skyway.
Noong una kasi ay nagdulot ng kung anu-anong ispekulasyon sa marami na kesyo sink hole ito, pero nagkaroon lamang pala ng malalim na butas dahil sa nasirang water pipe. At siyempre nagdulot din ng trapik sa naturang lugar.
Ganyan sana kabilis ang pagresolba ng kinauukulan sa mga problema. Iyong hindi na inaabot ng siyam-siyam at matinding pagkaantala bago masolusyunan.
Hiling lang natin na tuluy-tuloy ang gawin nilang agarang pagkilos at paglutas sa iba’t ibang kinakaharap na suliranin dahil makakatulong din ito sa pag-asenso ng mga mamamayan at ng ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments