top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Death penalty para sa kaanib ng PNP na masasangkot sa illegal drugs

Writer: BULGAR
BULGAR
May 19, 2023
4 min read

Updated: May 19, 2023

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 19, 2023


Noong nakaraang buwan, nagsumite tayo ng Senate Resolution No. 564 na naglalayong magsagawa ng inquiry in aid of legislation hinggil sa pagkakasangkot ng mga high-ranking officials ng Philippine National Police (PNP) sa P6.7 bilyong halaga ng shabung nasakote na yumanig ng husto sa kabuuan ng PNP.


Nitong nakaraang Martes, nagpatawag na ng pagdinig ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs ng Senado upang imbestigahan ang naturang iskandalo at lumalabas na tila may gusto pang magbulsa ng nakalaang reward sa pagkakahuli ng 990 kilo ng shabu na nakuha sa pag-iingat ng isang Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. noong Oktubre 2022.


Medyo mahirap ang kinakaharap ng Senado sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa kasong ito dahil kitang-kita ang tangkang pagtatakip sa kaso ng mga sangkot na pulis at ramdam din ang pagkilos ng sindikato ng droga sa likod nito.


Ito ang malaking pagkakaiba kapag karaniwang mamamayan ang nakagawa ng krimen o nais gumawa ng krimen dahil kailangan pa nito ng armas, at kapag naisagawa na ang krimen ay obligado na itong magtago dahil tiyak na tutugisin ng pulisya, kaya napakahirap para sa isang karaniwang tao na gumawa ng krimen.


Hindi tulad ng pulis na mas madaling maging kriminal dahil legal itong nakakapagdala ng baril anumang oras, may panangga pang tsapa sa dibdib at malaya niyang magagawa ang isang krimen dahil may pagkakataon siyang baliin ang batas na sila dapat ang nagpapatupad.


Kaya dumalo tayo sa nakaraang pagdinig sa Senado dahil hindi tayo papayag na maging kasangkapan ang Komite, lalo na ang buong Senado sa madilim na pakay ng mga tiwaling opisyal ng PNP na planong pagtakpan ang buong iskandalo. You cannot make a fool out of us.


Nagpatawag tayo ng pagdinig sa layuning masupil ang ilan sa ating alagad ng batas na tuluyan nang nilamon ng sistema at mas sinusunod na ang pamunuan ng sindikato kumpara sa pamunuan ng PNP at mismong batas.


Sobrang nilukob na ng demonyo ang mga pag-iisip ng ilang kaanib at opisyal pa ng PNP, na sa halip na ikatuwa natin ang pagresponde at pagresolba nila sa mga krimen ay sila pa mismo ang pasimuno para proteksyunan at pangunahan ang pagpapakalat ng bawal na gamot at iba pang ilegal na gawain sa bansa.


Sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ibinigay na lahat ng puwedeng benepisyo para sa mga pulis—itinaas na ang sweldo, may disenteng pabahay, at ultimo mga bagong baril na pang personal na gamit ay binigyan sila para lamang hindi na mahikayat pa ng masamang gawain.


Pero hindi natin malaman kung bakit tila hindi epektibo ang kabutihang ito ng pamahalaan, gaano ba talaga kalaki ang iniaalok na pera ng mga sindikato at bakit hindi makatanggi ang ilang kaanib ng PNP na nagmamadaling yumaman?


Ang masakit pa, puro high-ranking officials ang nakikitang sangkot sa operasyon ng droga sa bansa at may mga opisyal ng PNP na pinagsumite ng resignation kamakailan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at tinanggap na ang naturang resignation ng ilang natukoy nang opisyal.


Hindi biro ang buhay na sinisira ng droga, winawasak nito ang kinabukasan ng mga kabataan dahil ang pagkagumon dito ay ang pinagmumulan ng heinous crimes at patuloy na pagtaas ng krimen—kaya hindi tayo papayag na makitang wala sa likod ng rehas ang mga sangkot na opisyal ng PNP.


Kung napanood na ninyo ang video sa ginanap na operasyon ng PNP sa kontrabersiyang kaso ng halos isang toneladang shabu na nasabat ay makikita ninyo kung paano nagkani-kanya ng hakot ang mga pulis na kasama sa operasyon.



May mga nakunang kasama sa operasyon, na imbes na protektahan ang ebidensya para makarating sa headquarters nang buo ang mga nasakoteng droga ay nagkani-kanya ng hakot sa kani-kanilang sasakyan at dokumentado ‘yan na sobrang nakakahiya.


Isipin n’yo, ang buong pagdinig ay halos umiikot lamang ang sitwasyon dahil turuan nang turuan ang mga nagsidalong sangkot sa kontrabersiyal na drug operation at natapos ang pagdinig na hindi nasagot ang nag-iisang tanong —kung sino ang informant sa naturang raid.


Hanggang sa mapikon na ang chairman ng komite at pinatawan ng contempt si Captain Jonathan Sosongco ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) at ikinulong sa Senate detention cell.


Nagduda ang Senado matapos na walang maiturong informant ang mga lumahok sa naturang raid, ngunit may mga nais na makuha ang monetary reward at nakikitang sila-sila rin ang nais na maghati sa reward, na isang napakalaking kalokohan.


Kaya sumagi sa atin na marahil ay panahon na para ibalik ang death penalty, hindi lang sa mga high-ranking official kung hindi kahit ordinaryong kaanib ng PNP na masasangkot sa droga—dahil kitang-kita sa naging karanasan natin kung paano sila magtakipan sa isa’t isa.


Sila ang dapat magsilbing halimbawa at inaasahan nating magbibigay ng proteksyon sa taumbayan, ngunit sila pa ang nangunguna sa mga tiwaling gawain, kaya hindi na natin malaman kung sino pa ang ating aasahan na masugpo ang bawal na droga sa bansa.


Ang nagsisilbing anesthesia ay ang paniniwalang hindi naman lahat ng pulis ay tiwali—oo nga naman dahil may mga sangkot din sa sindikato ng droga, magkaiba ‘yun!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page