top of page

SSS ng kasambahay na hindi hinuhulugan ng amo, puwedeng ireklamo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 3 min read

by Info @Buti na lang may SSS | March 15, 2026



Buti na lang may SSS


Dear SSS, 

 

Magandang araw po. Ako ay nagtrabaho bilang kasambahay ng mahigit isang taon na at sumasahod po ako ng P3,500 kada buwan. Simula ng pumasok ako sa aking amo ay hindi nila ako hinulugan ng SSS. May karapatan ba akong maghabol sa aking mga kontribusyong hindi nila naihulog sa SSS? Salamat.  — Tanya



Mabuting araw sa iyo, Tanya!


Sa ilalim ng Republic Act 10361 o Batas Kasambahay, obligasyon ng mga kumukuha ng katulong o household employer na hulugan ng kontribusyon sa SSS ang kanilang mga kasambahay. Ipinatupad naman ng SSS ang pagsaklaw sa mga kasambahay tulad ng mga labandera, hardinero, yaya, cook, atbp simula Setyembre 1, 1993 kung saan binibigyan ng SSS ng social security benefits ang ating mga kasambahay sa panahon ng kanilang pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, unemployment, pagreretiro, at pagpapalibing o pagkamatay. Sa pagpapatupad ng RA 10361 noong 2013, mandato na ang kanilang pagsaklaw bilang mga employed members na tulad ng ating mga manggagawa sa pribadong sektor.


Sa ilalim ng Batas Kasambahay, kung ang kasambahay ay kumikita sa isang buwan ng mas mababa sa P5,000, sasagutin ng household employer ng buo ang buwanang kontribusyon nito sa SSS. Subalit kung ang kanyang buwanang sahod ay P5,000 o higit pa, ibabawas dito ang kaukulang bahagi ng kasambahay sa kontribusyon sa SSS. Ito ay buwanan ding ibabayad sa SSS ng household employer kasabay ng kanyang kaukulang bahagi sa kontribusyon.


Bukod sa SSS, kailangan ding bayaran ng household employer ang kontribusyon para sa Employees’ Compensation. Sa kasalukuyan, ito ay nagkakahalaga ng P10.00 kada buwan para sa mga sumasahod ng mas mababa sa P14,750, at P30 para sa sumasahod ng P14,750 o higit pa.


Dahil hindi ka nahuhulugan sa SSS, naipagkait sa iyo na maging kwalipikado sa mga benepisyo na maaaring tamasin ng mga miyembro ng SSS tulad ng benepisyo sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkamatay, pagpapalibing, pagreretiro o pagkawala ng trabaho. 


Maaari kang maghain ng reklamo laban sa iyong amo ayon na rin sa itinatakda ng Republic Act (No. 11199 o ang Social Security Act of 2018. Magsadya lamang sa pinakamalapit na sangay ng SSS sa inyong lugar at dalhin ang kopya ng inyong payslips bilang katibayan. Dahil hindi kayo nahuhulugan ng kontribusyon, maaaring maapektuhan ang pagkuha ninyo ng mga benepisyo sa SSS. Kung mapatunayang nagkasala ang iyong amo, sisingilin ng SSS ang lahat ng kontribusyon na dapat naihulog nito para sa iyo. Maaari din siyang mabilanggo at pagbayarin ng multa dahil sa paglabag sa Social Secuirty Law. 


***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.



Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page