top of page

Ano ang ACOP Facial Authentication ng SSS?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

by Info @Buti na lang may SSS | March 22, 2026



Buti na lang may SSS


Dear SSS,


Magandang araw! Ang mother-in-law ko ay isang SSS pensioner. Sa kasalukuyan, siya ay naninirahan sa Tring, Hertfordshire, United Kingdom. Nais sana niyang malaman kung paano siya magkakapag-comply sa ACOP gamit ang Facial Authentication? Salamat. 


— Alexa



Mabuting araw sa iyo, Alexa.


Ang Annual Confirmation of Pensioners Program o ACOP ay ang taunang pagre-report ng mga pensyonado sa Social Security System (SSS) upang masiguro ang patuloy nilang pagtanggap ng buwanang pensyon.


Kamakailan, inilunsad ng SSS ang Facial Authentication with Liveness Check para sa ACOP sa pamamagitan ng PhilSys e-Verify System. Ang bagong programang ito ay naglalayon na mapatunayan at maberika ang pagkakakilanlan ng mga pensyonado kaya’t higit nitong pinatitibay ang integridad ng pagbabayad ng pensyon.


Ang Facial Authentication ay gumagamit ng makabagong proseso ng beripikasyon sa ilalim ng PhilSys e-Verify biometic authentication, kung saan ang mga pensyonado ay nagsasagawa ng face scan. Tinitiyak ng prosesong ito ang presensya ng isang buhay na indibidwal (liveness check) sa oras ng beripikasyon, na nagsisilbing karagdagang proteksyon laban sa panlilinlang at maling pagkakakilanlan.


Sinisiguro ng SSS ang madali at ligtas na ACOP compliance sa pamamagitan ng protektadong Facial Authentication. Maaari nang kumpletuhin ng mga pensyonado ang kanilang ACOP requirement online nang hindi na kinakailangang bumisita sa SSS branch.


Ang Facial Authentication method ay maaaring magamit ng mga sumusunod na uri ng pensyonado na naka-rehistro na sa Philippine Identification System (PhilSys) o national ID system:


  • Retirement pensioners na naninirahan sa Pilipinas na 80 taong gulang pataas;

  • Retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa; at

  • Survivorship (death) pensioners.


Sa online option na ito, pinapadali ng SSS ang ACOP compliance ng mga pensyonado sa pamamagitan ng ligtas, mabilis at fraud-proof na Facial Authentication gamit lamang ang mobile phone, computer, o iba pang camera-enabled device. Sa pamamagitan nito, nagiging mas madali at mas maginhawa ang beripikasyon ng pagkakakilanlan ng mga pensionado nang hindi isinasakripisyo ang seguridad. Hindi na kailangang mag-log in ng pensyonado sa kanilang My.SSS account dahil ma-access ang facility na ito sa SSS website, www.sss.gov.ph


***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page