DDS pala, buking sa video… SHUVEE, AWANG-AWA KAY P-DU30 NANG ARESTUHIN, IIWAN NA RAW NG MGA FANS, NATAUHAN
- BULGAR

- Sep 26
- 4 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | September 25, 2025

Photo: Shuvee Etrata - IG
Naglabas ng pahayag ang former Pinoy Big Brother (PBB) housemate na si Shuvee Etrata matapos muling lumabas online ang lumang video tungkol sa pasasalamat niya sa dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng war on drugs nito.
Nabanggit din ni Shuvee na naawa siya sa dating pangulo nang ito ay arestuhin dahil sa extrajudicial killings.
Bagama’t hindi niya partikular na binanggit ang mga kumakalat na video clips, ibinahagi ni Shuvee ang pahayag sa kanyang Instagram (IG) story.
Humingi ng kapatawaran si Shuvee sa mga taong naapektuhan ng kanyang lumang video na muling naging viral.
Aniya, “Maayong adlaw sa tanan! I’m deeply grateful for the support many of you have shown. Bago lang po lahat ito sa akin, kaya pasensya na po sa lahat ng na-disappoint at nasaktan ko.
“I understand that what I said in the past caused hurt to some and I take responsibility for it.
“Sa totoo lang po, iniiwasan ko po talaga ang magsalita tungkol sa politics dahil napaka-divisive nito. Ang mas mahalaga sa akin ngayon ay ang mahalin ang bayan at manindigan laban sa sumisira nito tulad ng korupsiyon. Lalo na po ngayon.
“‘Wag po kayong mag-alala, natuto na po ako. Lalawakan ko pa po ang pag-iisip ko para sa ating lahat. I will continue to learn and grow.
“Mahal ko po kayo at mahal ko ang Pilipinas lalo na sa panahon ngayon. I stand for and with the Filipino people — always.”
Marami ngang fans ang sumang-ayon sa naging pahayag ni Shuvee Etrata pero marami namang nang-bash at gusto nang tumiwalag bilang tagahanga niya.
May Stage 4 cancer, maraming naawa…
PAGPAPAGAMOT NI ATE GAY, PATI CONDO NA TITIRHAN, LIBRE NA!
MASAYANG ibinalita ng comedian at TV host na si Ate Gay sa kanyang social media post na may nagbigay sa kanya ng tulong para sa libreng pagpapa-chemotherapy at radiation sa Asian Hospital.
Aniya, “Magandang balita po, magpapa-chemo at radiation na po ako sa Asian Hospital nang libre sa tulong ng isang anghel. Nagpapasalamat po ako sa inyong mga mensahe.
“‘Di ko man ma-reply-an, taos-puso akong nagpapasalamat sa sobrang dami. Patuloy lang po ang panalangin (praying & heart emoji).
“P.S. Baka po may nirerentahan kayong condo o apartment na malapit sa Asian Hospital. Gusto ko po manatili para sa 35 days na gamutan. Maraming salamat po.”
Nakakatuwa na saglit lang nag-post si Ate Gay tungkol sa paghahanap niya ng matitirahan malapit sa Asian Hospital ay may sumagot na agad sa kanyang hiling.
Saad ni Ate Gay sa kanyang Facebook (FB) page, “Ang babait naman ninyo, may libre na akong matitirhan sa Ananda Condominium, Zapote, Alabang. Nasa America daw siya at walang nakatira sa unit n’ya. Huhuhu! Thank you po! Fan ko raw ang lolo n’ya.”
Ibinahagi rin ni Ate Gay sa kanyang post na binisita na niya ang kanyang matitirhan.
Aniya, “Binisita ko na ang aking titirhan sa loob nang 35 days sa Zapote, Alabang na malapit sa Asian Hospital. Salamat sa mga anghel na tumutulong sa akin, salamat sa panalangin. Titira ako ng (sic: nang) libre at kumpleto sa gamit. Mapapadali ang aking paggaling.”
Dagdag pa ni Ate Gay, “Maraming nagmamahal sa akin. Thank you sa anghel na nagdala sa akin sa Asian Hospital. Thank you Lord.”
Matatandaan na na-diagnose si Ate Gay ng Stage 4 cancer na ang tawag ay mucoepidermoid carcinoma — isang uri ng cancer na nakakaapekto sa mga salivary glands (glandula ng laway), pero maaari ring lumitaw sa ibang mga bahagi gaya ng lalamunan at baga.
Hangad namin ang mabilis mong paggaling, Ate Gay.
KASADO na ang anim na kiddie hopefuls na aarangkada para magpasiklaban sa kantahan sa Final Showdown ng Idol Kids Philippines (IKP) matapos makamit nina kiddie hopefuls Klied, Sean, at Yassi ang tatlong huling slots ng kompetisyon.
Makakasama nila ang unang tatlong nagwaging makapasok sa Final Showdown na sina Alexa, MJ, at Quin.
Ibinida ni Klied ang kanyang bersiyon ng Liwanag sa Dilim ng Rivermaya na nagpakita ng linaw at kontrol sa boses at nagpamalas ng matinding emosyon sa bawat himig.
Hindi rin nagpahuli si Sean sa kanyang emosyonal at makabagbag-damdaming bersiyon ng kantang Himala ng parehong banda.
Nagpakitang-gilas naman si Yassi sa sarili niyang bersiyon ng Anak ni Freddie Aguilar at nagbigay ng emosyon at lalim sa bawat linya ng awitin.
Samantala, nagpakilig sa huling linggo ng live semifinals ang Filipino boy group na BGYO sa kanilang bagong kantang Headlines, tampok ang nagbabagang moves nina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate.
Napaindak din ang madla sa energetic performance ni Idol Philippines Season 2 Grand Winner Khimo Gumatay na inawit ang bago niyang kanta na Isayaw Mo Lang.
Mas mainit na puksaan sa kantahan ang aabangan ngayong Sabado at Linggo (Setyembre 27 at 28) sa Final Showdown ng top 6 kiddie hopefuls sa harap ng Kapamilya Idol judges na sina Regine Velasquez-Alcasid, Angeline Quinto, Juan Karlos, at Gary Valenciano.
Abangan ang Final Showdown ng Idol Kids Philippines ngayong Sabado at Linggo, 7:15 PM hanggang 8:30 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, at Kapamilya Online Live, at 8:00 PM hanggang 9:15 PM sa TV5.
‘Yun lang, and I thank you.








Comments