Dayuhan, target ng pekeng E-Travel Sites
ni Ryan Sison @Boses | October 28, 2023
Namamayagpag na naman ang mga scammer sa pamamagitan ng pagsulpot ng mga pekeng e-travel website na ang tinatarget ay mga dayuhan sa bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, nagpapanggap ang mga scammer na nagpapatakbo ng e-travel site ng ahensya, kaya marapat lamang na maging maingat at mapagmatyag ang taumbayan laban dito. May mga scams aniya sa internet at gumagamit ng pekeng e-travel credentials upang magnakaw ng mga data at lokohin ang publiko para magpadala sila ng pera rito.
Sinabi ng BI na nakatanggap sila ng mga report galing sa mga nabiktima ng naturang scam sites, kung saan nanghihingi ang mga ito ng bayad sa paggamit nila ng e-travel.
Pahayag ni Tansingco na libre ang paggamit ng e-travel website at pinaalalahanan niya ang publiko na gamitin lang ang lehitimong eTravel website ng ahensya upang maayos na maiproseso ang kinakailangang immigration requirements. Maaari namang ma-access ang platform via sa website na etravel.gov.ph.
Matatandaang inilunsad ng BI ang e-travel system upang mabawasan ang paper-based requirements ng mga inbound at outbound travelers.
Inaasahan naman ng ahensya na darami pa ang mga scam websites na magsusulputan lalo na at nalalapit na ang holiday season. Hinimok din ng BI ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang website sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Tila nagpapahinga lamang saglit ang mga scammer sa paggawa ng mga kalokohan dahil kapag visible na ulit ay nag-a-upgrade sila ng mga bibiktimahin.
Kung hindi ba naman ay mga dayuhan na ang tinatarget nila na siyempre, dolyar ang kanilang kikitain. Kumbaga, easy money at walang kapagod-pagod dahil online ang banat ng sistema nila.
Panawagan natin sa ating mga kababayan at maging sa mga kaibigan nating foreigner, na maging wais at laging gamitin ang utak, na kapag gustong mag-travel o gumamit ng e-travel ay hanapin lamang ang mga legit na travel firms o websites para hindi maloko ng mga scammer.
Hiling natin sa kinauukulan na maresolbahan na ang problema at magtulung-tulong sana ang marami pang ahensya ng gobyerno para mapigilan ang ganitong klase ng pang-i-scam.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments