Daylight saving time, aprub kay P-Du30 — MMDA

ni Lolet Abania | March 30, 2022

Nagpakita ng positibong tugon si Pangulong Rodrigo Duterte sa iminungkahing pagpapatupad ng daylight saving time o DST, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa isang interview kay MMDA Chairperson Romando Artes ngayong Miyerkules, sinabi nitong inatasan siya ng Pangulo na talakayin niya ang panukala sa mga concerned agencies at stakeholders para sa agarang implementasyon ng DST.
“Maganda naman po ang kanyang response dahil inatasan niya po ako na i-discuss na po ito sa agencies and stakeholders concerned para ma-implement daw po kaagad at mabawasan ang daloy ng traffic. ‘Yan po ‘yung marching orders na na-receive ko...,” pahayag ni Artes.
Ayon kay Artes, ipiprisinta niya ang panukala sa Civil Service Commission (CSC) sa susunod na linggo. Paliwanag ng opisyal, ang CSC ang siyang dapat na mag-isyu ng direktiba hinggil sa daylight saving time.
Sa ilalim ng DST proposal, ang magiging trabaho ng mga nasa gobyerno ay mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.





Comments