Davis, lumala ang injury; Harden at Giannis, nag-uunahan

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 15, 2021

Patuloy ang paghabol ng Brooklyn Nets at Milwaukee Bucks sa numero unong Philadelphia 76ers matapos ang hiwalay na panalo sa NBA kahapon. Nagsumite ng triple double sina James Harden ng Nets at Giannis Antetokounmpo ng Bucks upang lalong pahigpitin ang karera sa tuktok ng Eastern Conference.
Ipinasok ni Harden ang huling 10 puntos upang manaig sa bisitang Detroit Pistons, 100-91, ang dating koponan ng kanilang bagong kakamping si Blake Griffin subalit hindi siya naglaro dahil nagpapagaling ng tuhod. Bumida sa Harden na nagtapos na may 24 puntos, habang may 18 si Kyrie Irving.
Nagising si Jrue Holiday sa 4th quarter at tumulong upang iligpit ang Washington Wizards, 125-119, sa pamamagitan ng 10 sa kanyang 18 puntos. Matindi ang palitan ni Antetokounmpo na nagtala ng 33 puntos, laban kay dating MVP Russell Westbrook ng Wizards na nasayang ang triple double na 42 puntos sa 125-119. Hindi makapaglalaro si Los Angeles Lakers forward Anthony Davis ng dalawang Linggo pa dahil sa pagkapuwersa ng leg injuries nito sa laban kontra Denver Nuggets noong Huwebes.
Inanunsyo ng defending NBA champions na tuloy ang rehabilitasyon sa injury nito matapos ang ginawang pagsusuri ng kanilang doctor. Muli itong susuriin bago matapos ang Marso. Ayon sa ulat, lumala ang injury ni Davis sa binti sa 2nd quarter ng laban ng Lakers sa pagbabalik nito sa laro kontra Indiana Pacers nitong Sabado kaya iika-ika itong lumabas ng court papuntang locker room at hindi na bumalik sa laro.
Samantala, nakatanggap ng magandang balita ang Philadelphia at malalim na pasa sa buto sa tuhod lang ang natamo ni Joel Embiid noong nakaraang laro at kailangan lang magpahinga ng dalawang linggo.
Pinatunayan ni Julius Randle na tama ang pagpili sa kanya bilang All-Star at nagtala ng triple double para ibuhat ang New York Knicks kontra sa Oklahoma City Thunder, 119-97. Nagtapos si Randle na may 26 puntos.
Wala pa ring talo ang Atlanta Hawks sa apat na laro ngayong buwan ng Marso at idagdag na ang Sacramento Kings sa kanilang biktima, 121-104. Malupit pa rin si Carmelo Anthony at namuno siya sa 125-121 pagwagi ng Portland Trail Blazers sa kulelat na Minnesota Timberwolves. Hindi naka-triple double subalit mahusay pa rin ang numero ni rookie LaMelo Ball sa tagumpay ng Charlotte Hornets sa Toronto Raptors, 114-104.





Comments