Davis, Harden, Kennard at Kumina, bidang-bida
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 27, 2022

Bumalik na sa aksyon si Anthony Davis at agad tumulong sa 106-96 panalo ng bisitang Los Angeles Lakers sa Brooklyn Nets kahapon sa Barclays Center. Isang buwan ding hindi nakalaro si Davis habang nagpapagaling ng pilay subalit ang kanyang presensya ay sapat upang mapantay ng Lakers ang kartada sa 24-24.
Palobong ipinasa ni LeBron James ang bola kay Davis para sa dunk at buksan ang puntusan sa 18 segundo. Sa first quarter lang nakasabay ang Nets at humataw palayo ang LA hanggang umabot ng 15 ang lamang sa 4th quarter matapos ang dalawang magkasunod na dunk ni LBJ, 100-85, at 6:45 sa orasan.
A
Tinapos ni James ang laro na may 33 puntos at sinundan ni reserba Malik Monk na may 22. Bilang pag-iingat, 25 minuto lang ginamit si Davis at nag-ambag ng 8 puntos. Sinubukan ni James Harden na buhatin ang Nets dahil lumiban muli sina Kevin Durant at Kyrie Irving subalit kinapos ang 33 puntos.
Kinumpleto ni reserba Luke Kennard ang bihirang 4-point play galing sa foul ni Bradley Beal na may 1.9 segundong nalalabi upang magtagumpay ang Los Angeles Clippers sa Washington Wizards, 116-115. Namayani si Kennard sa 25 puntos upang suportahan si Amir Coffey na may 29 puntos.
Gumamit ng balanseng atake ang Golden State Warriors upang masugpo ang Dallas Mavericks, 130-92. Binigyan ng pagkakataon na magpasikat si rookie Jonathan Kuminga at gumawa ng 22 puntos at sinundan ni Stephen Curry sa 18 puntos.
Sinundan ni Jayson Tatum ang 51 puntos noong isang araw ng 36 puntos at binugbog ng Boston Celtics ang Sacramento Kings, 128-75. Malaking tulong si Jaylen Green sa 30 puntos.
Patuloy din ang pagtala ng halimaw na numero ni MVP Nikola Jokic at nagsumite ng 28 puntos sa 110-105 panalo ng Denver Nuggets sa Detroit Pistons. Hindi nagpahuli si Joel Embiid at bumuhos ng 42 puntos upang iligpit ng Philadelphia 76ers ang New Orleans Pelicans, 117-107.





Comments