Davao Occidental, niyanig ng 7.3-magnitude na lindol – PHIVOLCS
ni Lolet Abania | January 18, 2023

Niyanig ng 7.3-magnitude na lindol ang Sarangani, Davao Occidental ngayong Miyerkules ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Base sa kanilang earthquake bulletin, ang epicenter ng lindol ay nasa layong 352 km S 30° E ng Sarangani, Davao Occidental, na naitala ng alas-2:06 ng hapon. Habang ang tectonic na lindol ay may lalim na 64 kilometro.
Ayon sa ahensiya, nai-report ang instrumental intensities sa mga sumusunod na lugar:
• Intensity II - Don Marcelino, Davao Occidental; Nabunturan, Davao de Oro; Glan at Kiamba, Sarangani; General Santos City, Tupi, Santo Niño, Koronadal City, at T’Boli, South Cotabato
• Intensity I - Kidapawan City, Cotabato; Maitum at Maasim, Sarangani; Tantangan, Lake Sebu, Tampakan, Suralla, at Norala, South Cotabato; Zamboanga City, Zamboanga del Sur.
Sinabi rin ng PHIVOLCS, asahan na ang pinsala at mga aftershocks matapos ang pagyanig.
Sa isang hiwalay na advisory, ayon sa ahensiya, wala namang tsunami threat ang naiulat matapos ang malakas na lindol.
“Based on data provided by the Sea Level Monitoring Station in Mati City, Davao Oriental, no sea level changes were monitored,” pahayag ng PHIVOLCS.
Sa isang radio interview, sinabi ni PHIVOLCS seismologist John Leri Deximo na patuloy silang nagmo-monitor sa posibleng mga aftershocks.
“Sa ngayon po patuloy po nating mino-monitor kung magkakaroon po ng aftershocks po itong magnitude 7.3 sa may Sarangani,” ani Deximo.
Binanggit naman ni Office of Civil Defense (OCD) Information Officer III Diego Agustin Mariano, walang nai-report na pinsala at nasawi sa ngayon matapos ang lindol.
“Sa ngayon po wala pa pong damage o casualties na natatanggap na report,” wika ni Mariano.





Comments