Datos ng DOH at IATF, hindi repleksiyon ng tunay na sitwasyon ng Bansa
ni Ka Ambo - @Bistado | January 22, 2022
MARAMI ang naniniwalang hindi nagpapa-swab test ang mga biktima ng COVID-19 dahil mild symptoms lamang ito.
Kusang gumagaling ang mga COVID-19 patients gamit ang over-the-counter drug tulad ng paracetamol.
Dahil d'yan, hindi nabibilang ng DOH ang mga tinatamaan ng COVID-19 sa panahon ito!
◘◘◘
ANG updates ng DOH at IATF kaugnay ng COVID-19 ay hindi aktuwal na repleksiyon ng tunay na sitwasyon.
Malinaw na mas malaki ang bilang ng
Mga may COVID-19 kaysa sa datos na inilalabas ng DOH!
◘◘◘
IBINUNYAG mismo ni Dra. Minguita Padilla na maaaring limang beses na mas mataas ang bilang ng mga may COVID-19 kumpara sa iniuulat ng DOH at media.
Dapat itong linawin ng mga awtoridad!
◘◘◘
AYON kay Dra. Padilla, ang palpak na datos ay dahil sa panuntunan ng Department of Health (DOH) na tanging health workers at vulnerable sector lamang ang bibigyan ng test para sa COVID-19.
“Yung mga antigen tests hindi rin nabibilang sa ulat ng DOH, so, mas mataas pa talaga 'yan. Pero hindi 'yan cause of alarm sa publiko," paliwanag ni Padilla na kasama sa senatorial slate ng Partido Reporma.
◘◘◘
NILINAW ni Padilla na mainam na maintindihan ng mga tao ang buong ulat na inilalabas araw-araw ng DOH upang hindi magkaroon ng pagkabahala.
“From a public health point of view, tama yang ginagawa ng DOH na limitahan ang tests sa ating mga frontliners at vulnerable sectors tulad ng mga seniors at may comorbidity. Mukhang imposible na rin ang contact tracing sa widespread community transmission," aniya.
◘◘◘
SINABI ng doktora, mas importante ngayon ang pag-monitor ng bilang ng mga healthcare workers na naka-quarantine para matantiya ang kapasidad sa mga ospital, pati ang dami ng mga naa-admit kaysa sa bilang ng cases of infection.
“Sa ngayon, ang mga residente ng NCR ay nagsasagawa ng tinatawag natin na self-regulation. Maraming takot lumabas at ilang establishments ay pansamantalang nagsasara dahil sa dami ng nagkakasakit, " dagdag ni Padilla.
◘◘◘
KARAMIHAN umano ng nagkakasakit ay nakararanas lamang ng mild symptoms, hindi dapat maging kampante ang lahat, lalo na ang mga ahensiya ng gobyerno, pagdating sa pagkalat ng Omicron variant.
Tumataas ang kaso sa mga probinsiya. Kailangan nating buhusan ng bakuna ang mga lugar na 'yan, lalo na sa mga nasalanta ng Bagyong Odette. Kapag kumalat ang Omicron variant sa kanila, masyado silang mahihirapan!
◘◘◘
KAAWA-AWA ang mga paslit, matatanda, may malalalang sakit at mga buntis na tinatamaan ng COVID-19.
Mula sa hanay nila nagmumula ang mga severe cases kapag hindi naagapan.
Kailangan kumilos ang gobyerno sa lalong madaling panahon!





Comments