Dating purdoy lalong maghihirap, mga buwitreng negosyante lalong yayaman
- BULGAR
- Apr 12, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | April 12, 2022
USAPANG palengke pa rin sa Maynila.
Imbes na si Meyor Isko, idinepensa na ni Vice Mayor Honey Lacuna ang pagbebenta sa pribadong korporasyon ng Divisoria Market.
◘◘◘
SA isang panayam ng isang pahayagan, inamin ni Lacuna na ibinenta ng City of Manila ang lupa na kinatitirikan ng Divisoria Mall dahil hindi daw kumikita sa operasyon nito ang gobyernong lokal.
Ikinatwiran ni Lacuna na ang pangangasiwa ng Divisoria Mall ay wala sa city government bagkus ay hawak ng pribadong grupo na may-ari ng gusali.
◘◘◘
PERO, pumalag ang lider ng kooperatiba ng mga vendors sa Divisoria Mall na si Emmanuel Plaza sa pagsasabing walang katotohanan ang inihayag ni Lacuna kung saan sinisisi rin nito ang dating mayor na si Mel Lopez.
Ayon kay Plaza, walang kinalaman ang mga dating alkalde sa bentahan ng Divisoria market partikular na si Ex-Mayor Mel Lopez na ama mayoralty candidate na si Atty. Alex Lopez.
◘◘◘
MALINAW umano sa Deeds of Absolute Sale, na ang nakalagda ay sina Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at George Chua, chairman ng Festina Holdings Corporation na may petsang October 16, 2020.
Wala rin katotohanan na hindi na pinamamahalaan ng City of Manila ang naturang palengke dahil simula noong 1992 hanggang October 2021 ay may itinatalagang Market Master na siyang representante ng city hall upang mamahala roon at mangolekta ng mga fees.
◘◘◘
SA katunayan umano, ang huling nakatalagang market master ay si supervisor Alexander Villanueva.
Noong October 2021 lamang umalis si Villanueva sa nasabing palengke.
◘◘◘
NAGLABASAN na ang mga obrero, pero dahop pa rin ang buhay.
Mataas ang presyo ng mga bilihin.
◘◘◘
INAMIN ng Bangko Sentral na inaasahan nila ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga susunod na buwan.
Ito ay matatapat sa panahon ng tag-ulan matapos ang eleksyon.
Kaawa-awa ang mauupo sa gobyerno, sila ang magpapasan ng sisi ng taumbayan.
◘◘◘
HINDI lang kasi ang Pilipinas ang inaasahang magdarahop kundi maging ang buong mundo.
Ang krisis ay bunsod ng COVID at ang hindi maawat na giyera ng Russia at Ukraine.
◘◘◘
MAGING ang China at India ay nababahala.
Walang solusyon sa krisis sa ekonomiya hangga’t patuloy ang away ng Russia at Ukraine.
◘◘◘
ANG Pilipinas naman ay lubog sa utang at patuloy pa itong mangungutang sa pagpapalit ng administrasyon sa Malacañang.
Maghihirap nang todo ang mga dati nang nagdarahop pero lalong yayaman ang mga buwitreng negosyante lalo na ang mga oil companies.








Comments