- BULGAR
Dating bise alkalde ng Dolores, Quezon, pinagbabaril, patay
ni Lolet Abania | July 23, 2022

Patay ang dating vice mayor ng Dolores, Quezon na si Danilo Amat matapos na pagbabarilin sa Barangay San Francisco, San Pablo City, Laguna, nitong Biyernes ng gabi.
Sa report ng San Pablo City Police Station, pasado alas-6:00 ng gabi, minamaneho ni Amat ang kanyang sasakyan sa 7 Street nang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang suspek.
Ayon sa mga awtoridad, nagtamo ang biktima ng tatlong tama ng bala sa katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Agad naman tumakas ang suspek matapos ang ginawa nitong krimen.
Isinugod pa sa ospital si Amat subalit hindi na ito umabot nang buhay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang mga nasa likod at motibo sa pagpatay kay Amat.
Batay sa report ng pulisya, matagal na umano may banta sa buhay ng dating bise alkalde, kung saan isa ang pulitika sa tinitingnan nilang dahilan ng pagpaslang sa biktima.
Wala pang ibinigay na pahayag ang mga kaanak ng biktima.