top of page

Darleb sumungkit ng panalo sa Handicap Turf

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 13, 2023
  • 2 min read

ni Green Lantern @Renda at Latigo | November 13, 2023


Umarangkada sa umpisa hanggang sa finish line si Darleb upang sungkitin ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, noong Sabado ng hapon.


Pagbukas ng aparato ay kumaskas agad si Darleb at kinuha ang unahan para makalamang ng isa't kalahating kabayong agwat sa humahabol na sina Summer Brew at Hamlet.


Pagsapit sa kalagitnaan ng karera ay nagpupumilit na makuha ni Summer Brew ang unahan kay Darleb pero hindi pumayag ang huli at nanatili itong tangan ang bandera.


Umabot sa far turn ang bakbakan at nasa dalawang kabayo na ang lamang ni Darleb kay Summer Brew kaya pagsungaw ng rekta ay unti-unti ng lumalayo ang winning horse.


Pagdating sa rektahan ay umalagwa na sa unahan si Darleb kaya naman nagwagi ito ng may siyam na kabayo ang agwat sa pumangalawang si Summer Brew.


Ginabayan ni jockey NC Lunar, inirehistro ni Darleb ang tiyempong 1:24. 6 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Aristeo Puyat ang P10,000 added prize.


Tumersero si Hamlet habang pumang-apat si Dragon Butterfly sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.


Samantala, ilalarga naman ang 2nd Philippine Horseracing and Breeding Expo sa Sta. Lucia East Grand Mall sa Cainta sa darating na Nobyembre 14 hanggang 16.


"The Philippine Horseracing and Breeding Expo intends to bring the industry closer to the general public and the kareristas in order to revive the glory of local horseracing," ayon sa organizer ng event.


Noong nakaraang taon ay sa San Lazaro Business and Leisure Park sa Carmona, Cavite ginanap kung saan ay maraming nakapuntang racing fans.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page