Darleb, hinangaan sa SLLP Condition Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | July 4, 2022
Bumilib ang mga tagahanga ni Darleb matapos manalo sa Condition Race Merged noong Sabado ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Arangkadahan agad sina Asiong, Darleb at Best Regards paglabas ng aparato at makalipas ang dalawang daang metro ay nakuha ng una ang unahan.
Tinutukan ni Darleb si Asiong at pagsapit ng far turn ay inagaw ng winning horse ang unahan.
Pagsungaw ng rekta ay hawak na ni Darleb ang tatlong kabayong distansiya sa mga humahabol sa kanya.
Ginabayan ni jockey MM Gonzales, inirehistro ni Darleb ang 1:27.8 minuto sa 1,400 meter race.
Dumating na segundo si The Accountant, tersero si Victorious Colt habang pumang-apat si Best Regards.
Samantala, hindi naman nagpadaig si Ambisioso, nagwagi ito sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System race na pinakawalan sa pang-anim na karera.
Inilista ni Ambisioso ang tiyempong 1:30.2 sa 1,400 meter race sapat upang kubrahin ang P5,000 added prize.
Sinakyan ni Jericho Serrano si Ambisioso, dumating na segundo si Tomorrow Land, tersero si Innocare habang pang-apat na tumawid sa meta si Money For Shelltex.
Ang nasabing mga karera ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.





Comments