Dapat sina Vice Ganda, Ion lang ang suspended, ‘di idinamay ibang hosts ng “It’s Show time”
- BULGAR
- Sep 13, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 13, 2023
SA ‘CONFI FUNDS’ NG MGA TRAPO AGRABIYADO ANG TAX PAYERS -- Sa budget deliberation sa Kongreso ay inamin ni Ombudsman Samuel Martires na ang mga ahensya ng gobyerno na may confidential fund ay hindi nagsa-submit ng resibo sa Commission on Audit (COA) patungkol sa paggasta sa kanilang “confi funds”.
Sa totoo lang, agrabiyado ang tax payers sa "confi funds" kasi bayad nang bayad ang mamamayan ng tax para may budget ang gobyerno sa mga programa nila, tapos pagdating sa "confi funds" ay hindi na nalalaman ng taumbayan kung saan ito dinadala o saan ito napupunta, tsk!
◘◘◘
KAPAG AUDIT REPORT HINDI NA ISINAPUBLIKO, HAPPY ANG MGA KURAKOT SA GOBYERNO -- Nais ni Ombudsman Martires na alisin na sa batas ang pagsasapubliko ng audit report ng COA.
Kapag nasunod ang kagustuhan ni Martires ay tiyak maglulundag sa tuwa ang mga kurakot sa gobyerno kasi hindi na isasapubliko ng COA kung saan ginagasta ng mga "buwaya" ang pera ng bayan, boom!
◘◘◘
SANA ANG MAG-DYOWANG VICE GANDA AT ION LANG ANG ISINUSPINDE NG MTRCB -- Hanggang ngayon ay pinuputakti nang batikos si Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairman Lala Sotto sa ipinataw nilang 12 days suspension sa programang “It’s Showtime” ng ABS-CBN.
Sana, ang ginawa ng MTRCB ay ang mag-jowang Vice Ganda at Ion Perez lang ang isinuspinde at hindi ang buong programa dahil wala namang kinalaman ang ibang hosts at empleyado ng “It's Showtime” sa kalaswaang ginawa ng mag-jowang ito sa harap ng mga bata at ng telebisyon, period!
◘◘◘
KAHIT SI SUPER LOLO JUAN PONCE ENRILE, NALASWAAN KINA VICE GANDA AT ION -- Naghihimutok si Vice Ganda sa ipinataw na suspensyon ng MTRCB sa “It's Showtime.”
Sa totoo lang ay walang “K” si Vice Ganda na maghimutok dahil ang ginawa nila ng dyowa n’yang si Ion sa pagkain ng icing ng cake sa harap ng mga bata at sa telebisyon ay malaswa talaga.
Kahit nga si super lolo Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ay nalaswaan kaya binatikos ang ginawa ng mag-jowang Vice Ganda at Ion, boom!





Comments