Dapat safe, healthy at happy ang lahat ngayong Pasko
- BULGAR
- Dec 19, 2022
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 19, 2022
Anim na araw na lamang ay Pasko na, hindi natin ito kayang pigilan kahit ano pa ang ating gawin, kaya mas mabuting paghandaan natin kung paano ito iraraos ng ligtas at hindi maging dahilan nang pagkapamahak ng bawat isa.
Kung paanong bawat isa ay naghahanda sa pagsapit ng Pasko at Bagong Taon kabilang na ang pagbili ng mga bagong damit, pagkaing ihahanda at laruan para sa mga bata ay mas higit nating dapat paghandaan ang ating kalusugan.
Bigyang-pansin natin ang inilabas na paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na kontrolin ang pag-inom ng alak, pagkain at hindi masustansyang handa ngayong holiday season upang matiyak nating aabot tayo ng ligtas hanggang sa susunod na taon.
Dapat maging responsable tayo sa ating kalusugan lalo pa sa mga magulang na may maliliit na anak na umaasa sa kanilang patnubay, gayundin sa mga anak na tanging inaasahan naman ng kanilang matatanda ng magulang.
Huwag nating pairaling mangibabaw ang emosyon o kasayahang nararamdaman na dulot ng mga pagdiriwang na darating at isaisantabi na muna ang kasabihang—'minsan lang ang Pasko, wala munang diyeta kaya dapat magsaya nang husto, kumain at uminom nang todo’.
Binigyang-diin mismo ng DOH na malaki ang magiging epekto sa kalusugan ang minsang pag-inom ng alak, partikular sa mga hindi naman talaga manginginom o pagkain ng sobra-sobra sa mga handaang kanilang pupuntahan.
Masyado tayong nakatutok sa mga kababayan nating dinadala sa mga pagamutan tuwing pagkatapos ng bagong taon dahil nabiktima ng paputok ngunit hindi nabibigyang pansin na tuwing pagkatapos ng Pasko ay marami rin sa ating mga kababayan ang isinusugod sa pagamutan.
Ayon kay Dr. Alfonso Pamaran Jr. ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital o Tala Hospital na kadalasang dumarami ang mga dinadala sa ospital dahil sa komplikasyon sa puso at utak tuwing buwan ng Enero pagtapos na ang holiday season.
Dahil sa labis na pag-abuso sa pagkain at alak ay madami ang sumasama na ang pakiramadam ngunit ayaw pang magpa-admit sa ospital dahil sa tinatapos pa ang selebrasyon na lalong nagpapalala sa sitwasyon.
Dapat din nating malaman na pito sa bawat sampung Pilipino ang binabawian ng buhay dahil sa noncommunicable disease (NCDs) kung saan mas mataas na porsyento ay mga babae.
Sa pinakahuling ulat na inilabas na inilabas ng WHO ay umabot sa 511,748 NCD deaths ang naitala sa Pilipinas at 72% sa kanila ay babae at 68% naman ang lalaki at may kaugnayang ulat din ang United Nations (UN) health agency hinggil dito.
Ang mga sakit sa cardiovascular at mga daluyan ng dugo, kabilang ang coronary heart disease, congenital heart disease ay isang pangkat ng mga sakit sa puso na nangungunang sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas.
Ang mga kondisyong nakahahawa, maternal, perinatal at nutritional ay umaabot sa 24% ng dami sa kabuuan ng mga napaulat na namamatay para sa mga NCD.
Ayon pa sa WHO, hindi pa umano nagpapatupad ang Pilipinas ng epektibong guidelines para pamahalaan ang cancer, cardiovascular disease, diabetes at cardiorespiratory disease, gayundin ang drug therapy o pagpapayo para sa atake sa puso at pag-iwas sa stroke.
Tumuntong din sa 40% ang naitalang physical inactivity sa mga Pinoy na nasa hustong gulang, habang ang hypertension sa mga nasa hustong gulang na 30 hanggang 79 ay 34% at hindi man lamang ito nagbabago.
Sa buong mundo, 41 milyong tao ang namamatay dahil sa mga NCD taun-taon, habang 17 milyong tao ang namamatay dahil sa isang malalang sakit bago ang edad na 70.
Nabanggit ng WHO na 77% ng mga nasawi sa NCD ay nagmula sa mga bansang low and middle income earners na binibigyang-katuwiran ang mas higit nitong pagtutok sa paghahanapbuhay kesa sa kalusugan.
Ang noncommunicable diseases umano, tulad ng cardiovascular disease, diabetes, chronic lung disease, at cancer ay itinuturing na biggest silent killers ngunit kayang-kayang labanan ng hindi magastos kung magiging maingat lamang sa kalusugan.
Tingnan natin sa positibong aspeto ang panulat kong ito, upang magtuluy-tuloy ang ating mga selebrasyon at pagsalubong sa paparating na araw ng Pasko at hindi mabahiran ng kahit anong kalungkutan ang puro masaya lamang.
Huwag kalimutang magsimba, lalo na mismong araw ng Pasko, kasama ang buong pamilya upang makapagpasalamat sa lahat ng mga biyayang dumating at maging sa ating kalusugan para handa naman tayong harapin ang paparating na bagong taon!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments