top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Dapat iisang parking fee sa 'Pinas

  • BULGAR
  • Nov 30, 2022
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 30, 2022


Palagi nalang tayong nabibiktima ng mga shopping malls, hindi rehistradong parking areas, sidewalks na may naniningil na kung sinu-sino pero wala tayong magawa kung hindi ang magbayad ng parking fee na sila ang nagdeklara kung magkano.


Sa mga shopping mall, basta may nakapaskil kung magkano ang dapat ibayad sa entrance ng parking area ay basta na lamang sumusunod ang ating mga kababayan dahil wala namang umiiral na panuntunan na suportado ng batas.


May mga establisimyento na fixed rate kung maningil sa parking kahit abutin pa ng maghapon ay hindi na magdaragdag pa, ngunit mayroon ding pagkatapos ng dalawang oras ay may babayaran pa kada oras hanggang sa lumaki na ng husto ang babayaran.


Dahil sobrang dami ng reklamong ating natatanggap ay nagsumite tayo ng panukalang batas na naglalayong maisaayos ang panuntunan ng pagbabayad ng parking sa mga commercial at business establishments, institutions at iba pang parking facilities.


Ilang taon na kasing nakabinbin sa Kongreso ang panukalang batas na i-regulate ang bayad sa parking spaces—tulad sa shopping mall, restaurant, maging ang pribadong ospital at iba pang lugar na dapat matagal na itong naisabatas.


Pero dahil tila marami na ang nagmamalabis at may mga naaagrabyado na rin ay talagang pupursigihin na nating maipasa ito sa Kongreso, lalo na at malaking kabawasan ito sa gastusin ng ordinaryong mamamayan.


Hindi naman lahat ng may sasakyan ay may kakayahang bayaran ang napakataas na singil sa parking space dahil may mga kababayan tayong mas pinipili na lamang hindi gamitin ang kanilang sasakyan dahil nga sa sobrang mahal ng bayad sa parking.


Nakapaloob sa isinumite nating Senate Bill No. 1463 na dapat isaayos ang parking rates sa malls, supermarkets, restaurants, hotels, hospitals, schools, at mga dedicated parking facilities.


Kung maisasabatas ito ay narito ang panuntunan kung magkano ang dapat bayaran:


• P20 for first 3 hours + P5/succeeding hour for all types of cars;

• P10 for first 3 hours + P2/succeeding hour for motorcycles;

• P100 flat rate for overnight parking for all types of cars;

• P50 flat rate for overnight parking for motorcycles;

• P100 flat rate for valet service, in addition to the regular parking fee;

• P100 in addition to parking fees for lost or damaged parking ticket;

• P200 in addition to parking fees for lost or damaged parking card.


Iniaatas din ng naturang panukala ang grace period na 15-minuto para sa pass-through customers na papayagan ding pumarada kung hindi naman magtatagal o kaya'y may ihahatid lamang.


May mga pangyayari na ang pribadong sasakyan na pumasok sa malaking shopping mall at dahil maraming tao ay nahirapang maghanap ng paparadahan hanggang sa magpasya na lamang lumabas ng naturang mall dahil punuan.


Ang resulta ayaw palabasin ng mga security guard ang sasakyan na hindi nakakita ng paparadahan hangga’t hindi nagbabayad ng parking fee na isang malaking panlalamang sa ating mga kababayan na dapat maisaayos.


Isa pa sa mga nakapaloob sa ating panukalang batas ay hindi dapat singilin sa parking fee ang pumaradang may-ari ng sasakyan na gumastos ng P500 pataas sa pinuntahang establisimyento dahil doble-doble na ang tinubo sa kaawa-awa nating kababayan.


Hindi naman natin kinakalaban ang mga negosyante na malaki ang partisipasyon sa paglago ng ekonomiya, ngunit kailangan din nating balansehin at tugunan ang kapakanan ng publiko na siya namang bumubuhay sa ating mga negosyante.


Marami sa malalaking parking facilities at office parking spaces sa iba’t.ibang lugar sa bansa, lalo na sa mga central business district ang sumisingil ng sobra-sobra sa parking fee na umaabot pa minsan ng P400 sa loob lamang ng 8-oras.


Pero ang pinakamaraming sumbong na ating natanggap ay reklamo laban sa membership shopping na magbabayad ka na nga ng P750 taun-taon ay sobra pa ang ginagawang paniningil sa parking.


Isipin n’yo, kung hindi aabot sa P500 ang napamili n’yo o kaya ay wala doon ang nais ninyong bilihin ay obligado kayong magbayad ng napakamahal na parking dahil ang unang dalawang oras ay P400 kaagad ang bayad at P200 sa bawat karagdagang oras.


Bukod sa bantay at naglilinis ay wala namang gaanong maintenance ang mga parking facilities na kung tutuusin ay sobra-sobra na ang kanilang kinita kung susumahin ang kanilang ginastos sa pagtatayo ng parking area na patuloy pang kumikita.


Tapos hindi naman sasagutin ng establisimyento halimbawang may sapilitang nagbukas ng sasakyan at tinangay ang mahahalagang kagamitan, kumbaga espasyo lang talaga ang binabayaran at hindi ang seguridad maliban na lamang kung matsatsambahan ng umiikot na guwardiya ang kawatan.


May mga establisimyento na maging ang paggamit ng banyo ay may bayad—kahit ihing-ihi na't wala kang pambayad ay hindi ka makakaihi kaya uuwi kang pinipigil na sumabog ang iyong pantog, tapos sisingilin ka pa ng pagkamahal-mahal sa parking fee.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page