top of page
Search
  • BULGAR

Dapat hindi exempted sa ROTC ang mga anak at apo ng mga Sen. at Cong.

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 30, 2022


SAAN NAPUNTA ANG TRILYONES NA INUTANG NG DUTERTE ADMINISTRATION?—Nakapagtataka ang anunsyo ng Bureau of Treasury (BOT) na noong June 2022 ay kinapos ng P215.5 bilyon ang budget ng bansa dahil indikasyon ‘yan na hindi bumubuti ang takbo ng ekonomiya ng bansa o ibig sabihin ay pabagsak na.


Mantakin n’yo, ang laki ng inutang ni ex-Pres. Rodrigo Duterte sa loob ng anim na taon sa puwesto, na pumalo sa mahigit P7 trilyon, tapos nangyari pa ang ganyan na kinapos ang budget ng gobyerno para sa pagpapatakbo ng pamahalaan.


Dapat talaga imbestigahan ng mga mambabatas kung saan napunta ang inutang ng administrasyong Duterte kasi baka sa bulsa ng mga buwaya lang napunta ang karamihan sa perang ‘yan.


◘◘◘


DAPAT HUWAG MAKINIG SI P-BBM SA MGA ADVISERS NIYANG WALANG PAKIALAM SA MGA BIKTIMA NG KALAMIDAD—Mainam na nagtungo at personal na binisita ni Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos ang mga lugar na sinalanta ng lindol kasi noong una’y nagplano na siyang pumunta, pero kalauna’y naglabas ng statement na hindi na lang siya pupunta para hindi makaabala sa ginagawang relief ang rescue operations ng mga ahensya ng national government at LGUs (local government units).


Tama ang pagbabago ng isip ni P-BBM, at ito ay ‘yung personal niyang pagbisita sa mga lugar na nilindol at sana, huwag siyang makinig sa mga advisers niyang walang pakialam sa mga kababayang biktima ng mga kalamidad kasi sa totoo lang ay baka makasira ito sa kanyang popularidad.


◘◘◘


AFTER NG SONA NI P-BBM NOONG JULY 25, KINABUKASAN AY ABSUWELTO NA SILA SA KASONG P200-B ILL-GOTTEN WEALTH—Sablay ang desisyon ng Sandiganbayan na pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni P-BBM noong July 25, kinabukasan July 26 ay inabsuwelto nila ang pamilyang Marcos sa kasong P200 billion ill-gotten wealth dahil kay P-BBM nag-boomerang ang isyung ito.


Ipagpalagay na nating mahina ang ebidensya laban sa pamilya Marcos, pero ang timing ng paglalabas ng desisyon ay mali, at sana man lamang ay pinalipas muna nila ilang buwan bago dinesisyunan ang kasong ito.


Dahil tuloy sa desisyong ‘yan ng Sandiganbayan ay pinutakte ng netizens si P-BBM kasi wala pa nga namang isang buwan sa power ang pangulo ay absuwelto na sila sa kaso at ang matindi ay itinaon pa ito kinabukasan pagkatapos ng kanyang SONA.


◘◘◘


ANAK AT APO NG MGA SEN. AT CONG., DAPAT MAG-ROTC AT WALANG PALUSOT NA MEDICAL CERTIFICATE—Pabor ang karamihan sa mga mambabatas na i-mandatory na ang Reserved Officers Training Corps (ROTC) sa mga estudyante sa senior high school at kolehiyo.


Kung talagang hindi na mapipigilan ‘yan, sana ay ang maging magandang ehemplo riyan ay ang mga anak at apo ng mga sen. at cong. kasi baka ang mangyari niyan ay pagkaisahan nilang ipasa ang batas, tapos ang mga anak at apo nilang estudyante ay exempted sa ROTC, bigyan lang ng personal doktor nila ng medical certificate ay exempt na sa ROTC.


Totoong nangyayari ang exemption sa ROTC at mismong si ex-P-Duterte ay umamin, na dahil sa dala niyang x-ray result noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo ay na-exempt siya sa ROTC.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page