Dalawang mahalagang bahagi ng buhay ko
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 25, 2023
Ngayong araw na ito ay ginugunita ko kasama ang aking pamilya at ilang mahal sa buhay ang dalawang milestone sa aking buhay.
Una ay ang aking ika-57 kaarawan at ikalawa ay ang ika-50 taon natin sa showbiz at hanggang ngayon ay nandito pa rin tayo.
Bagama’t may mga pagkakataong nasa gitna tayo ng pagsubok, sa pamilya, sa showbiz at sa pulitika ay masasabi nating hindi tayo pinabayaan ng Maykapal, ng ating mga tagahanga at mga tagasuporta na labis nating ipinagpapasalamat.
Bigla tuloy bumalik sa aking alaala noong ako ay isang batang musmos pa lamang na walang ginawa kung hindi ang maglaro at natitigil lamang ito tuwing aalis ang Daddy ko (Ramon Revilla Sr.) dahil gustung-gusto kong sumama sa shooting.
Ewan ko ba, pero noong panahong iyon ay masayang-masaya ako kapag sumasama ako sa shooting at mas gusto ko itong gawin kaysa ang makipaglaro sa aking mga kababata.
May pagkakataon nga na ayaw akong isama ng Daddy ko, pero dahil makulit ako ay talagang hindi ko siya tinatantanan, kaya ang ending kasama pa rin ako — kaya nga maaga akong namulat at natuto sa showbiz.
Pero wala sa plano na mag-artista ako, kasi si Kuya Marlon talaga ang gusto ng Daddy na mag-artista. Tapos ang gusto ni Daddy para sa akin ay maging doktor, pero wala akong ibang gustong gawin kung hindi ang gayahin ang Daddy ko na grabe kong inidolo.
Dahil dito, hinangad ko nang maging artista para masundan lang ang yapak ng Daddy ko kasi nga sa pelikula — isang suntok lang, isang gulong, isang halik, kuwarta na, tapos masarap pa ‘yung halik.
Sa edad kong pitong taon ay nabigyan kaagad ako ng pagkakataong humarap sa kamera at nakalakihan ko na nga ang pagiging artista. ‘Di ko naman sukat akalain na magtatagal ako ng 50 years sa industriyang pinangarap ko lang noon — ang tanda ko na pala talaga.
Sobrang dami na ng mga nangyari at sa darating na Oktubre 7, Sabado, ganap na alas- 8:15 ng gabi ay may inihandang television special ang GMA 7 hinggil sa mga kaganapan sa dalawang selebrasyong ito na punung-puno ng sorpresa na dapat abangan.
Hindi ko naman basta mararating ang kinalalagyan ko ngayon kung hindi sa tulong ng napakaraming tao na lubhang napakahalaga sa aking buhay na ang iba ay aking nakasama sa napakarami kong naging pelikula at teleserye.
Hindi ko makakalimutang pasalamatan sina Boss Vic Del Rosario at Direk Carlo J. Caparas sa aking unang starring role. Kay Mother Lily Monteverde, at mga producers na nagtiwala at tumaya sa akin. Sa aking mga naging direktor sa mahigit 100 pelikula na aking nagawa.
Sa GMA 7 ay nand’yan sina Sir Felipe Gozon, Sir Jimmy R. Duavit, Annette Gozon at Joey Abacan. Silang lahat na sumugal sa akin para pumasok sa telebisyon at sa mga nakasama kong mga artista na kapwa natin naghatid ng kasiyahan sa mga manonood.
Pinasasalamatan ko rin siyempre ang aking mga naging leading ladies, na kasama kong naghatid ng kilig sa mga fans. Hindi naman kasi mabubuo ang pelikula kung wala ang mga naggagandahang artista na ating nakapareha.
Isa pa sa malapit sa aking puso ay ang mga tao sa paggawa ng pelikula na nasa likod ng kamera, tulad ng mga scriptwriters na gumugol ng mahabang panahon para lamang makapaghatid sa atin ng magagandang istorya.
Ang mga staff at crew na kasama nating naghirap saanmang lokasyon tayo mag-shooting, kabundukan man o karagatan, malayo man o malapit basta’t tuloy ang paggawa ng mga eksena ay walang sawa silang nakaantabay at sumasabay habang gumigiling ang kamera.
Hindi rin matatawaran ang buwis-buhay na pagganap ng mga stuntman na paulit-ulit itinataya ang katawan at kaligtasan makapagbigay lamang tayo ng maaaksyong eksena na isa sa nagbibigay buhay sa mga ginawa nating pelikula.
Ang mga production designers na nakasama ko at mga effects na nagpalipad ng mga kotse, nagbigay ng malalaking pasabog, naghandog ng makukulay at magagandang kapaligiran para sa bawat eksena.
Malaking bahagi rin ang kontribusyon ng aking mga naging PR at AdProm, kasama ang mga showbiz press at writers – na malaking bahagi upang tayo ay makilala at tumutulong para ma-promote ang aking mga pelikula.
Ibang level naman ang pasasalamat na nais nating ihandog sa aking mga kapatid, kay Kuya Marlon, Ate Rowena, Ate Princess, Strike, Andrea, Dianne, Ate Evelyn at sa mahigit 60 ko pang mga kapatid.
Hindi makukumpleto kung wala ang aking mga anak na sina Bryan, Jolo, Luigi, Inah, Gianna, Loudette at Ram na bukod sa suporta ay araw-araw kong nararanasan at sinisikap na maging isang mabuting ama.
Higit sa lahat, hindi ko maitatawid ang milestone na ito kung wala sa aking tabi ang aking butihing maybahay na si Lani Mercado-Revilla, na lagi ko ngang sinasabi -- na ilang beses man akong mamatay at muling mabuhay ay siya lamang ang aking pipiliin at mamahalin habambuhay.
Isa lang ang magkulang sa lahat ng aking nabanggit ay posibleng hindi natin narating nang ganito katagumpay ang ating kinalalagyan — kaya wala talagang pagsidlan sa ating pasasalamat sa lahat.
Ngunit, higit sa lahat ay nagpapasalamat tayo sa Panginoon para sa lahat ng ito na wala na tayong ibang mahihiling pa!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments