top of page
Search
  • BULGAR

Dalawang babaeng simbolo ng katapangan

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 21, 2024





DUMALO tayo noong nakaraang Huwebes sa kakaibang re-union ng alumni ng isang “all girls school.” 

Sino ang kanilang panauhing pandangal? Ang kilalang manunulat at mamamahayag na si Patricia “Pat” Evangelista. 

Nagtipun-tipon sa isang malaking bulwagan ang mga kababaihang mag-aaral, ang kanilang guro at ang iba’t ibang bisita na nais pakinggan ang kakaibang talumpati ni Pat.

Bandang alas-2 ng hapon nang nagsimula ang programa. Pagkaraan ng maikling pagbati at pagtanggap sa lahat ng naroroon ng punong-guro ng naturang paaralan, tumahimik ang lahat at lumabas na si Pat at naglakad sa gitna ng entablado. Tumingin sa paligid at nagtungo sa lectern at nagsimulang magsalita. 

Hindi isang talumpati ang kanyang ginawa kundi nagkuwento. Ilang kuwento ang kanyang ibinahagi. Anong uring kuwento? Hindi romantiko, hindi ala-K-drama, hindi horror ngunit may pagka. Hindi kathang-isip kundi mga totoong pangyayari na personal niyang nasaksihan at ngayon ay nakatala na sa librong halos anim na taon niyang isinulat, “Some People Need Killing,” ang pamagat ng aklat. 

Kakaibang libro rin ito dahil ang tinutukoy nito ay ang libu-libong pinatay na mga inosente at walang labang indibidwal noong panahon ng war on drugs na paboritong program ng nagdaang pangulo.

“Mga ipis, walang kuwenta, walang utak, walang magagawang matino. Kailangang patayin at lipulin parang mga ipis, langaw, kuto, at kung ano pang walang silbing peste ng lipunan.” Ito ang madalas laman ng bibig ng nakaraang presidente. 

At sa akala natin ay tapos na, hindi pala dahil ipagpapatuloy ng kanyang mahal na anak na mayor ng bayang pinanggalingan din niya. Tuloy ang giyera laban sa droga at malinaw din kung ano pa ang itutuloy.

Napakagaling ni Pat at kakaiba dahil napakalinaw ng kanyang pananalita at higit pang malinaw ay ang kanyang paninindigang dapat at tungkulin ang pagkuwento ng kuwento ng hindi makapagkuwento. 

Pinalakpakan nang todo ang magaling na manunulat. Binili ang kanyang libro at daan ang nagpa-autograph. Mayroong nagtanong sa akin pagkatapos ng kakaibang pagtitipon, “Delikado po ba ang buhay ni Pat?” Tumingin ako sa nagtanong at marahang sumagot, “Delikado po talaga ang magsabi ng totoo sa panahong ito. Kailangan nating ipagdasal si Pat at kailangan din natin sa ating maliliit na paraan na ipahayag ang totoo. Kailangang maging tagapagkuwento rin tayo ng katotohanan.”

Nang sumunod na araw, Biyernes, naanyayahan tayo na magbasbas ng isang batang mag-aaral. Ike-cremate na ang batang estudyante. Nang dumating ako sa punerarya, tumuloy ako sa kabaong ng bata at sa malayo pa lang nakita ko na ang maraming mga larawan nito. Malalaki, bilog na bilog ang kanyang mga mata. Malinaw na student leader ito sa kanyang paaralan. 

Nang nakarating ako sa harap ng kanyang kabaong, nakita ko ang isang drawing ng mukha. Wala na kasing mukha ang babaeng mag-aaral. Sumabog ang kanyang mukha sa putok ng bala ng baril. Ilan? Hindi ko alam. At nang tingnan ko ang kanyang kaliwang braso, nagulat na lang ako dahil wala sa dapat niyang kalagyan. Putol ang kanyang braso. Paano? Bakit?

Nalaman ko nang kausapin ko ang kanyang ama na nagpaliwanag ng ganito, “Hindi namin siya mapigilan. Mahal niya ang pag-aaral ngunit mas mahal niya ang kanyang ginagawa para sa mga maliliit at inaapi. ‘Masaya po ako dito ama. Masayang masaya ako dito,sabi ng aking mahal na anak.”

Dinasalan at binasbasan ko ang 24 taong gulang na aktibista’t rebolusyonaryo na namatay para sa kanyang paniniwala at sa mga maliliit niyang kababayan. 

Nitong Abril 20, 2024, nagkaroon ng martsa at parangal para sa batang aktibista’t rebolusyonaryo sa kanyang paaralan. Hangang-hanga ang maraming mag-aaral sa kanya. 

Takot sa mga katulad niya ang mga nasa puwesto dahil matapang at may paninindigan siya. Wala silang magawa kundi magpadala umano ng sundalo at ipagpatuloy ang paggamit ng dahas at lakas. Samantalang nasa kanila ang lahat, ang pera at ang kapangyarihang pagandahin at baguhin ang buhay ng lahat. Ngunit, hindi nila gagamitin ang mga ito, lalo na para sa maliliit at naaapi. 

Kakaibang linggo ito dahil sa dalawang babaeng matapang. Ang isa ay buhay pa pero ang isa ay patay na. 

Kakaiba ang kanilang pamamaraan. Ang una ay mapayapang pamamahayag at ang pangalawa ay ang rebolusyon. Ano ang mas tama? Hindi ito ang nararapat na tanong. Hanggang kailan pa? Ito ang kuwestiyon ng lahat. Subalit ang iilan ay hindi lang nagtatanong kundi sumasagot. Gagawin namin ang lahat para dumating ang araw ng paglaya, ang pagtatagumpay ng katotohanan at katarungan.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page