top of page
Search
  • BULGAR

Dahilan kaya compatible ang Virgo at Libra

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 29, 2022


Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung magka-compatible ba kami ng boyfriend ko? Sa pagkakaalam ko, hindi compatible ang Virgo at Libra, pero okey at masaya naman ang relasyon namin, at anim na buwan na kami sa October 1.

Ano ang mangyayari sa aming relasyon, magiging maligaya ba kami at kami na ang magkakatuluyan? September 7, 1993 ang birthday ko, habang September 16, 1990 naman ang boyfriend ko.


Umaasa,

Janice ng San Jose, Baras, Rizal


Dear Janice,


Hindi naman totoong hindi compatible ang Virgo at Libra, sapagkat may pinanghahawakan tayong tatlong teorya o batas ng compatibility.


Una, ang tinatawag na “same feather flocks together” na hango sa paniniwalang Western Astrology na nagsasabing, ang magkakapareho ng elemento na mga zodiac sign ay siguradong compatible sa isa’t isa at kadalasang matatagpuang mag-bestfriend.

Sa kaso mo na Virgo, ang tunay na ka-compatible mo sa unang batas o teorya ng compatibility ay ang kapwa mo earth type sign na Taurus, Capricorn at tulad mo na Virgo.


Ang ikalawang teorya naman ng compatibility ay ang tinatawag nating “opposite poles attract each other”. Ang paniniwala namang ito ay hango sa Oriental Astrology na nagsasabing, ang nawawala mong pagkatao ang dapat pumuno at matagpuan mo sa iyong kasuyo.


Kumbaga, kung ikaw ay mahiyain o mahina ang loob, ang katumpakang ka-compatible ay silang malakas ang loob at hindi mahiyain. Kung ikaw ay malungkutin at mapag-isa, ang kulang sa iyo ay saya at lipunan, na dapat mong matagpuan sa iyong kasuyo.


Walang iniwan sa gabi at araw upang umusad ang paglalang. Kailangang sumapit ang dilim upang kinabukasan ay lumitaw naman ang liwanag. Ganundin ang konsepto ng “negative at positive poles” sa kuryente upang sumikad ang elektrisidad. Ito rin ang prinsipyo ng I Ching, kung saan kailangang may puwersang Yin at Yang upang magpatuloy ang ikot ng mundo.


Sa ikalawang teorya na ito, ka-compatible ng zodiac sign mong Virgo na earth element ang Pisces na water element. Habang secondary compatible mo naman silang mga isinilang sa Cancer at Scorpio.


Ngayon, may ikatlong teorya pa ba sa compatibility? Oo, meron pa at ito ang tinatawag na “neighboring attractions”, kung saan ang batas na ito ay hinango naman sa “gravitational attraction o gravitation force” ng mga planeta sa kalawakan.


Hindi ka ba nagtataka, hindi nahuhulog ang mga planeta habang sila ay nakalutang sa kalawakan? Sa halip, may harmonious relationship ang mga ito, kaya tulad ng mga bola na nakalutang sa langit, kahit minsan ay walang humulagpos o nalaglag sa kanila.


Ang lakas na hindi nakikita na nagpapanatiling magkakayakap ang walong planeta sa kalawakan ay ang tinatawag na “gravitational attraction” kung saan may kani-kanyang gravity ang bawat planeta, na nagsisilbing tali na hindi nakikita, kaya walang nahuhulog sa kanila.


Malakas ang gravitational force na ito sa kapitbahay o katabi niyang planeta, kaya imposible silang mahulog o malaglag sa kawalan.


Sa Astrology ay ganundin, kapag kapitbahay mo ang isang zodiac sign, siguradong magka-compatible rin kayo. Sa kaso mo na isang Virgo, walang duda na ka-compatible mo rin ang isang Leo at Libra. Silang dalawa kasi ang kapitbahay mong zodiac sign, kung saan may lakas na hindi nakikita na naghahatakan kayo ng puwersa at naghihigupan ng enerhiya.


Kaya maraming pagkakataong hindi naiiwasan ng isang Virgo na magkaroon ng karelasyong Leo o Libra.


Sa kaso n’yo ng boyfriend mo, kahit siya ay Libra, habang ikaw ay Virgo, tunay na magkatugma at magka-compatible kayo sa ikatlong teorya o batas ng compatiblility, na tinatawag nating neighboring attraction.


At ang neighboring attraction na ito ay lalo pang pinatatag ng hawak n’yong mga numero, kung saan ang birth date mong 7, ay sadya namang compatible sa birth date niyang 16 na nagkataong 7 rin (ang 16 ay 1+6=7). Ibig sabihin, habang patuloy kayong magkahawak kamay, magkasama at hindi naghihiwalay sa tali ng tunay at wagas na pag-ibig, magpapatuloy din ang masaya at panghabambuhay na pagmamahalan.

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page