Dahil tutol sa divorce... CBCP, dapat sagutin ang gastos ng mga magpapa-annul
- BULGAR

- May 25, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 25, 2024

DAHIL TUTOL SA DIBORSYO, ANG DAPAT GAWIN NG CBCP, SAGUTIN ANG GASTOS SA ANNULMENT NG MAG-ASAWANG NAIS MAGHIWALAY -- Tutol ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa ipinasang Divorce Bill ng Kamara, kasi ayon sa mga obispo ay may annulment naman daw sa bansa na puwedeng gamitin ng mag-asawang nais maghiwalay.
Ang annulment ay pang-rich lang dahil malaki ang gastusin dito, kumpara sa diborsyo na maliit lang ang magagasta ng mag-asawang nais maging legal ang paghihiwalay.
Ngayon, kung ayaw talaga ng CBCP ang diborsyo at ang gusto ay annulment, dapat ianunsyo ng CBCP na sagot nila ang gastos ng mga mag-asawang nais maghiwalay sa pamamagitan ng annulment, period!
XXX
SI PBBM LANG YATA SA MGA PRESIDENTE NG BANSA SA MUNDO ANG MAHILIG MAG-ABROAD -- Lalabas na naman ng bansa si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), magtutungo siya sa Brunei at Singapore, mula May 29 hanggang May 31 siya sa dalawang bansang ito.
Napakaraming bansa na ang napuntahan ni PBBM, at bukod tanging siya lang yata sa mga presidente ng mga bansa sa mundo ang hindi mapakali sa sarili niyang bansa, ang gusto ay abroad nang abroad, boom!
XXX
KUNG WALANG SANITARY PERMIT NG DIWATA PARES, DAPAT ITONG IPASARA -- May sanitary permit ba ang karinderyang paresan ni Diwata sa Pasay City?
May mga nag-post kasi sa social media na marumi raw ang paresan ni Diwata. At kung susuriin ang mga ipinost sa socmed ay makikitang marumi nga, hindi lang ang mga lamesa ang dugyot, kundi pati ang kusina at kapaligiran, maraming langaw.
Kung ito ay may sanitary permit, eh ang kuwestyon, bakit ito pinagkalooban ng permit? At kung wala namang sanitary permit, dapat itong ipasara agad ng Pasay City government, period!
XXX
MGA CONG. BALIMBING – Noong si ex-P-Duterte pa ang presidente ng bansa ay tutol ang majority congressmen na imbitahan sa Kongreso sina ret. Police Col. Eduardo Acierto tungkol sa isyung sangkot sa droga, ang kaibigan ng ex-president na si Chinese national Michael Yang, at ret. P/Sgt. Arturo Lascanas sa isyu naman ng extrajudicial killings (EJK) sa Davao City, pero ngayong hindi na presidente si ex-P-Duterte, pabor na ang majority congressmen na imbitahan sa Kongreso ang dalawang former policeman na ito.
Patunay ‘yan na balimbing talaga ang mga politician sa ‘Pinas, kasi ang mga cong. na todo-tanggol noon kay ex-P-Duterte dahil siya pa ang pangulo, ay sila (mga cong.) pa ang magdidiin ngayon dito sa isyu ng droga at EJK, porke hindi na siya ang presidente ng bansa ngayon, tsk!




Comments