Dahil sa technical malfunction... 54 sugatan, 18 iba pa missing sa pagsabog ng pinakamalaking hub sa mundo
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Jenny Rose Albason @Overseas News | June 23, 2026

Nag-iwan ng pinsala at ilang sugatan ang malakas na pagsabog sa isa sa mga pasilidad sa Ras Laffan Industrial City sa Doha, Qatar.
Ayon sa state-owned company na QatarEnergy at sa Ministry of Interior ng Qatar, nagmula ang pagsabog at sunog sa isang technical malfunction sa Barzan gas supply facility habang isinasagawa ang pagsisimula ng operasyon nito.
Dahil sa insidente, sumiklab ang sunog at naramdaman ang malakas na pagyanig maging sa mga kalapit na lugar. Batay sa inisyal na ulat, umabot sa 54 katao ang nasugatan habang 18 naman ang naiulat na nawawala.
Ang Ras Laffan ang itinuturing na pinakamalaking pasilidad ng Liquefied Natural Gas (LNG) sa buong mundo at matatagpuan ito sa hilagang baybayin ng Qatar.
Ayon sa mga ulat, mabilis namang naapula ng Civil Defence teams ang sunog. Kinumpirma rin ng pamahalaan na walang naitalang pagtagas ng gas o anumang kemikal na maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
Samantala, patuloy na mino-monitor ng mga otoridad ang sitwasyon sa lugar dahil malapit ang pinangyarihan ng pagsabog sa mga pinagtatrabahuhan ng maraming overseas Filipino workers (OFWs) sa rehiyon.
Bago ang insidente, matindi nang napinsala ang Ras Laffan hub dahil sa kamakailang digmaan na kinasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, na nagbunsod sa Qatar upang pansamantalang ihinto ang operasyon ng ilan nitong pasilidad sa gas production.
Dahil sa lawak ng pinsala mula sa mga pag-atake, inaasahang aabutin pa ng tatlo hanggang limang taon ang rehabilitasyon ng pasilidad. Tinataya rin na bababa ng 17 porsyento ang kapasidad nito sa pagluwas ng liquefied natural gas (LNG).
15 years nakulong at napatunayang inosente
75-ANYOS, TATANGGAP NG P165M DANYOS
PAGKATAPOS ng mahigit isang dekadang pagkakakulong dahil sa mga kasong hindi naman niya ginawa, pagkakalooban ng 2.5 million euros (humigit-kumulang P165 milyong danyos) ang isang Moroccan national matapos kilalanin ng Korte Suprema ng Spain na nagkaroon ng malinaw na pagkakamali sa paghawak ng kanyang kaso.
Ang 75-anyos na si Ahmed Tommouhi, isang mason na lumipat sa Spain noong 1991 upang magsimula ng bagong buhay, ay nahatulan noon kaugnay ng dalawang kaso ng panggagahasa at isang kaso ng pagnanakaw sa rehiyon ng Catalonia sa hilagang-silangang bahagi ng bansa.
Bagama't sinentensiyahan siya ng 24 na taong pagkakabilanggo, nakalaya siya matapos makulong nang 15 taon. Noong Disyembre, tuluyan siyang napawalang-sala sa huling kasong isinampa laban sa kanya matapos ang matagal na kampanya upang patunayan ang kanyang kawalang-sala. Isa rin sa mga biktima ang lumantad at nagsabing hindi si Tommouhi ang salarin.
Binaligtad ng Korte Suprema ng Spain ang naunang desisyon ng National Court na tumangging magbigay sa kanya ng kompensasyon sa kabila ng kanyang pagpapawalang-sala.
Ayon sa Korte Suprema, naging biktima si Tommouhi ng isang malinaw at seryosong pagkakamali sa hudikatura sa orihinal na paglilitis sa Barcelona.
Napag-alaman din na hindi isinasaalang-alang noon ng hukuman ang resulta ng isang biological expert test na nagpapakitang hindi si Tommouhi ang taong responsable sa mga panggagahasa.





Comments