Dahil sa smuggling umano ng asukal… 6 BOC personnel, sinibak
ni Lolet Abania | August 24, 2022

Anim na tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang na-relieve mula sa kanilang puwesto kaugnay sa umano’y smuggling ng asukal sa Port of Subic.
Sa isang press conference ngayong Miyerkules, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ang mga personnel ay nai-transfer na sa Office of the Commissioner habang naghihintay ng imbestigasyon hinggil sa insidente.
Ayon sa Office of the Press Secretary (OPS), nagkaroon ng pagtatangka na magpuslit ng nasa 140,000 bags ng asukal mula sa Thailand noong nakaraang linggo sa naturang port.
Base sa inisyal na pagsisiyasat, isang recycled permit ang ginamit umano para sa importasyon.
Kaugnay nito, nag-inspeksyon na ang mga awtoridad sa mga warehouse sa Cagayan de Oro na hinihinalang nagho-hoard ng asukal, ayon sa OPS.
Ipinatupad naman ng mga operatiba ng BOC ang kanilang visitorial powers sa isang warehouse na pagmamay-ari ng Crystal Sugar Milling Inc. sa North Poblacion.
Ang operasyon ay isinagawa matapos na makatanggap ang mga awtoridad ng isang intelligence report na ang may-ari nito ay sangkot umano sa sugar hoarding.
Sinabi ng Customs Intelligence and Investigation Service na ang kabuuang 466,142 sako ng asukal ay kabilang sa kanilang inventory kasunod ng operasyon sa naturang warehouse.





Comments