Dahil sa P13.3B siningil sa mga motorista — Ombudsman... Mendoza at Guadiz, suspendido
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | August 19, 2026

Photo: LTFRB Chairman Vigor Mendoza II at OTC Chairperson Teofilo Guadiz III - LTFRB / Office of Transportation Cooperatives
Iniutos ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension na walang sweldo laban kina Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Vigor Mendoza II at Office of Transportation Cooperatives (OTC) Chairperson Teofilo Guadiz III kaugnay ng mga kasong administratibo na nag-ugat sa kanilang panunungkulan bilang mga dating pinuno ng Land Transportation Office (LTO).
Ang suspension order na inilabas noong Agosto 18, 2026 ay may kaugnayan sa patuloy na paggamit ng lumang information technology (IT) system na pinapatakbo ng Stradcom kahit na naipatupad na ang kapalit nitong Land Transportation Management System (LTMS).
Ayon sa Ombudsman, may “malakas na ebidensya” na nagpapakita na maaaring managot sina Mendoza at Guadiz sa kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Batay sa Ombudsman, ang patuloy na sabayang paggamit ng Stradcom-operated system ay nagresulta sa karagdagang computer fees na tinatayang aabot sa P13.37 bilyon, na siningil sa mga motorista mula 2019 hanggang 2025.
Sentro ng kaso ang kabiguan na ganap na mailipat ang operasyon ng LTO sa LTMS, dahilan upang manatiling ginagamit ang lumang sistema kahit na naipatupad na ang bagong platform.
Ipinataw ng Ombudsman ang preventive suspension habang nagpapatuloy ang administrative proceedings.
Layunin ng hakbang na maiwasan ang posibleng impluwensya ng mga respondent sa mga testigo o panghihimasok sa imbestigasyon habang nilulutas ang kaso.
Dati nang nagsilbi sina Mendoza at Guadiz bilang mga pinuno ng LTO bago sila umupo sa kasalukuyang posisyon sa LTFRB at OTC, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, sinabi naman sa isang pahayag ni Mendoza na iginagalang niya ang desisyon ng Ombudsman habang nangako namang ipagtatanggol ang kanyang mga naging hakbang at lilinisin ang kanyang pangalan.
Gayunman, sinabi ni Mendoza na hindi pa niya natatanggap ang kopya ng opisyal na kautusan ng Ombudsman.





Comments