Dahil balik-F2F gatherings… Magpabakuna kontra-COVID-19 at face masks pa rin – DOH
ni Lolet Abania | November 12, 2022

Dahil sa inaasahang balik na sa face-to-face ang mga holiday gatherings sa bansa, hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na magpaturok na ng COVID-19 vaccine at boosters para mas magkaroon ng dagdag na proteksyon at maiwasan ang pagkalat ng virus.
Sa isang press conference, sinabi ni DOH Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na ang lahat ay dapat na may maalam na desisyon kung kailan mag-aalis ng kanilang mga face mask.
“Alam ho sana natin lahat kung ano ang risk level natin kung kailan tayo magtatanggal ng mask at kung kailan sa tingin natin tayo ay dapat o hindi dapat naka-mask,” pahayag ni Vergeire.
“Wala po tayo restrictions as to age or capacity kaya tayo ay nagpapaalala na tayo na mismo sa ating sarili magkaroon ng informed decision kung kailan tayo pupunta sa pagtitipon na maraming tao,” sabi ni Vergeire.
Sa datos ng DOH, hanggang noong Nobyembre 9, may kabuuang 73.6 milyong Pilipino na ang fully vaccinated laban sa COVID-19.
Nasa 20.7 milyon naman na mga fully-vaccinated na indibidwal ang tumanggap ng booster shot.
Matatandaan noong Oktubre 28, inisyu ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 07, kung saan pinapayagan na ang optional na pagsusuot ng mga face mask sa mga enclosed spaces.
Subalit, ang paggamit ng mga face mask ay nananatiling rekomendado para sa mga matatanda o senior citizens, buntis, persons with comorbidities, immunocompromised individuals, unvaccinated individuals, at may mga sintomas ng COVID-19.





Comments