top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Dahan-dahan lang sa pagbaba ng Alert Level sa NCR

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 25, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | January 25, 2022



Masyado pang maaga.


Ito ang tugon ng Department of Health (DOH) hinggil sa pagbababa ng Alert Level 2 sa National Capital Region (NCR) sa pagpasok ng Pebrero.


Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang “peak” ng mabilis na pagtaas ng COVID-19 cases ay inaasahan sa pagtatapos ng Enero o kalagitnaan ng Pebrero.


Bagama’t napag-alaman ng kagawaran na kasalukuyang nasa moderate-risk ang healthcare utilization ng karamihan sa mga rehiyon sa bansa, itinaas ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Alert Level 4 ang Northern Samar upang maibsan at makontrol ang pagdami ng COVID-19 cases dito. Gayundin, sa kasalukuyan ay nasa high-risk ang healthcare utilization sa naturang lalawigan dahil umabot na aniya sa 80% ng hospital bed ang okupado ng COVID patients.


Samantala, giit pa ng opisyal, bagama’t nakitaan ng pagbaba ng bilang ng COVID-19 cases sa NCR, dapat pa rin aniyang isipin na hindi lahat ng sumailalim sa antigen testing ay nagre-report sa kagawaran.


Matatandaang ang NCR at iba pa ay nasa ilalim ng Alert Level 3 hanggang sa katapusan ng Enero.


Kung tutuusin, tama lang na pag-aralang mabuti ang sitwasyon bago tayo magpatupad ng pagluluwag kahit pa may pagbabago sa bilang ng mga naitatalang kaso.


Marahil, ayaw nating maulit ang nangyari noong nakaraang taon na biglang dagsa ang mga tao sa iba’t ibang lugar, bitbit ang mga bata at may ilang nakalimot sa health protocols.


Kaya sana lang ay talagang natuto na tayo sa mga nakaraang pagkakamali — pamahalaan man o taumbayan.


Siguro nga, wala naman talagang may gusto ng nangyari, pero ‘ika nga, hindi na ito dapat maulit.


Kaya naman, suhestiyon natin sa mga kinauukulan, kasabay ng pagpapatuloy ng mataas na alert level, paigtingin ang mga programa ng pamahalaan laban sa COVID-19, tulad ang national vaccination program at pagtiyak na nasusunod ang health protocols sa lahat ng pagkakataon.


Ilan lang ito sa mga bagay na dapat nating ipagpatuloy upang labanan ang pandemya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page