Dagdag-sahod, mapupunta lang sa taas-pasahe
@Editorial | August 3, 2023
Halos nagsisimula pa lang tayong bumangon mula sa pandemya, kaliwa’t kanan naman ang taas-presyo ng mga bilihin at singilin.
Kahapon, umarangkada na ang taas-pasahe sa Light Rail Transit Lines 1 at 2.
Alinsunod ito sa inaprubahan ng Rail Regulatory Unit (RRU) ng Department of Transportation (DOTr), ang minimum boarding fee para sa mga naturang rail lines ay nasa P13.29 mula sa kasalukuyang P11.
Samantala, ang inaprubahan namang per kilometer rate ay nasa P1.21 mula sa kasalukuyang P1.00.
Batay sa abiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang bagong minimum na pasahe sa LRT-1 ay P14 na at ang maximum naman ay P35 para sa Store Value Cards (SVCs).
Para sa Single Journey Tickets (SJTs), ito ay nagkakahalaga ng P15 hanggang P35.
Sinabi naman ng DOTr na mula sa kasalukuyang P12 minimum na pamasahe sa stored value o beep card ng LRT-2, ay magiging P14 na ito.
Magiging P33 naman ang maximum fare mula Recto Station hanggang Antipolo Station, mula sa dating P28.
Kung gagamit ng SJT ang pasahero, mananatili sa P15 ang minimum fare habang P35 ang maximum fare mula sa kasalukuyang P30.
Pinapayuhan ang mga pasahero na gumamit ng stored value card o beep card para makatipid at makaiwas sa abala.
Ang karagdagang pamasahe ay gagamitin umano para sa pagsasaayos at pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo.
Nabatid na taong 2015 pa nang huling inaprubahan ang fare adjustment para sa naturang rail lines.
Tulad ng inaasahan, dismayado ang mga komyuter. Marami ang napakamot sabay hirit na balewala ang P40 na dagdag-sahod, mapupunta lang sa taas-pasahe, kulang pa.
Ang iba naman, umaasa na susuklian ng mas magandang serbisyo ang taas-pasahe.
Huwag na sanang mangyari ang sobrang haba na pila at iba’t ibang aberya.
Panawagan naman sa kinauukulan, bantayan sana natin kung naibibigay ba nang maayos ang serbisyo sa mga komyuter kapalit ng taas-pasahe.



Comments