top of page

Dagdag-presyo sa petrolyo, sakit sa ulo!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 17, 2024
  • 1 min read

@Editorial | June 17, 2024


Editorial

May panibago na namang dagdag-presyo sa petrolyo.


Sasakit na naman ang ulo ng mga tsuper.


Kakarampot kung mag-rollback, bigtime naman kung mag-price hike, grabe!


Ayon sa oil players, tataas ang presyo ng gasolina ng 60 sentimos hanggang 85 sentimos kada litro, aabutin naman ng P1.45 hanggang P1.70 kada litro ang itataas sa presyo ng diesel habang ang kerosene ay tataas ng mula P1.85 hanggang P1.90 kada litro, batay sa apat na araw na bentahan ng petrolyo sa merkado.


Ito ang masaklap, gustuhin mang pumalag ng mga konsyumer, walang magagawa dahil nakadepende lang tayo sa sinasabi nilang galaw ng merkado.


Hindi lang mga drayber ang apektado sa ganitong sitwasyon kundi lahat.


Kapag tumataas ang presyo ng petrolyo, tiyak na kamot-ulo na naman ang tsuper at kailangang humirit ng taas-pasahe.


Bukod sa kanila, hihingi rin ng pang-unawa ang mga negosyante, malaki man o maliit dahil kailangan din nilang magtaas ng presyo ng produkto o magbawas ng dami o kalidad. Bagay na sa huli, mga konsyumer din ang maaapektuhan.


Ibig sabihin, kailangan na namang mag-adjust ng budget o gumawa ng diskarte para hindi maapektuhan ang gastusin para sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain.


Sa kabila nito, umaasa pa rin ang taumbayan na dumating ang pagkakataon na magkaroon na ng murang petrolyo.


At kung hindi talaga makontrol, sana ay may ibang paraan ang gobyerno para makasabay ang mamamayan sa galaw ng presyo.


Hindi naman laging cash ayuda ang kailangan kundi dagdag na mapagkakakitaan. ‘Yung bukod sa pamamasada o regular na trabaho ay may pangkabuhayan na mapagkukunan ng extra income.


Likas sa mga Pinoy ang pagiging masipag, walang problema basta may trabaho.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page