top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Dagdag-pasahe sa MRT-3, sasalubong sa mga komyuter next year

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 4, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | December 4, 2023


Tiyak na panibagong pasanin na naman ang sasalubong sa mga komyuter sa susunod na taon dahil sa karagdagang pasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).


Sa pahayag ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy John Batan, target ng kagawaran na ipatupad ang taas-pasahe sa first quarter ng taong 2024.


Ayon kay Batan, ang fare adjustment para sa MRT-3 ay kagaya sa pagtaas na inaprubahan sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at LRT-2 na nasa P2.29 dagdag minimum boarding fee at karagdagang P0.21 kada kilometro.


Ibig sabihin nito, magiging P16 hanggang P34 na ang pamasahe sa MRT-3 next year, mula sa kasalukuyang P13 hanggang P28.


Paliwanag ni Batan, gagamitin ang fare increase para sa pagsasaayos at pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo ng MRT-3. Gayundin aniya, kailangang tiyakin ng pamahalaan na mapapanatili ang tamang pagtakbo ng mga tren at railway system.


Una nang nagpatupad ng taas-singil ang LRT-1 at LRT-2 para mabawasan ang subsidiyang inilalaan sa mga ito ng gobyerno.


Wala na atang katapusan ang pahirap sa mga kababayan lalo na sa mga komyuter.


Tila papasok pa lamang ang 2024 ay magpapatupad na ng dagdag na pasahe sa MRT-3.


Hindi naman kasi masisisi ang pamunuan nito na gawing magtaas ng pamasahe dahil sa tumataas din ang mga pangangailangan para sa maintenance ng kanilang mga tren at iba pa na ginagamit sa pagpapaganda ng kanilang railway system.


‘Yun lang, ang laging tinatamaan ng hirap at nagsasakripisyo ay ang taumbayan. Kaya naman walang magawa ang mga mamamayan kundi magtiis at sumunod na lamang kahit na labag talaga sa kalooban.


Panawagan natin sa kinauukulan na sana ay mag-isip ng mainam na paraan at tamang solusyon na higit na makatutulong sa mga komyuter gayundin sa ating mga public transport para mabawasan ang kanilang pasanin.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page