top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Dagdag na teaching allowance sa mga guro, epektibo next year

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 5, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 5, 2024



Boses by Ryan Sison


Good news para sa mga guro ng pampublikong paaralan. 


Ganap na kasing naging batas ang Republic Act 11997 o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act matapos itong lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kung saan magtataas sa allowance ng ating mga public school teacher.


Sa ilalim ng RA 11997, mula sa kasalukuyang P5,000 ay gagawin nang P10,000 kada taon ang teaching allowance na matatanggap ng mga guro.


Magagamit ng mga titser ang naturang allowance na pambili ng mga gamit, materyales at kanilang mga kailangan sa klase.


Magiging epektibo naman ang naturang batas sa school year 2025-2026.


Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na sa pamamagitan ng naturang batas ay makakabawas kahit paano ang pasanin ng mga guro sa mga gastos sa kanilang pagtuturo.


Labis naman ang kasiyahan ni Sen. Sonny Angara, isa sa mga may-akda ng panukala dahil ganap na itong batas matapos pirmahan ni PBBM.


Ayon kay Angara, malaking tulong ang dagdag na allowance sa mga guro at estudyante laluna sa mga nasa liblib na lugar at probinsya na gipit sa panggastos ang mga pamilya.


Ang maganda pa aniya, hindi na ito bubuwisan kaya buong-buong maibibigay sa ating mga guro.


Mabuti naman at mas tinaasan ang allowance na matatanggap ng ating butihing mga guro sa pampublikong paaralan para matugunan ang mga pangangailangan sa kanilang mga klase.


Ilang dekada na rin kasi na humuhugot lamang sila sa kanilang sariling bulsa para man lang pambili ng mga gamit sa klasrum nila. 


Kumbaga, imbes na buo sana ang naiuuwi nilang sahod kada payday ay nababawasan pa dahil sa nailalaan na pambili ng gamit para sa iskul.


Pero dahil malaki-laki ang ibibigay sa kanilang teaching allowance, siguradong makakagaan na ito hindi lang sa ating mga guro sa mga gastusin, kundi pati na rin sa mga estudyante.


Gayundin, hindi man natin kayang tumbasan ang pagmamalasakit at dedikasyon ng ating mga guro sa pagtuturo sa ating mga anak ay mas naipapakita naman natin ang pagpapahalaga sa kanila sa ganitong paraan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page