Dagdag-benepisyo para sa caregivers at senior citizens
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 24, 2023
Kung inyong napapansin, halos lahat ng isinusumite nating panukalang-batas ay may kaugnayan sa kapakanan ng ating mga kababayang manggagawa tulad ng guro, Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga kahalintulad nila na kailangan ng mga karagdagang benepisyo.
Bago nagtapos ang ikaapat na yugto na bahagi ng first regular session, naihabol pa natin na mag-co-sponsor sa Senate Bill No. 2019 under Committee Report No. 57 at ito ang AN ACT INSTITUTING POLICIES FOR THE PROTECTION AND WELFARE OF CAREGIVERS IN THE PRACTICE OF THEIR PROFESSION.
Tinayuan natin bilang mambabatas ang kapakanan ng bawat caregiver sa ating bansa na labis ang pangangailangan ng suporta, hindi lang dahil sa matindi nilang kontribusyon sa lipunan at ekonomiya kundi dahil mahalagang mabigyan sila ng proteksyon sa kanilang larangan.
Alam naman nating lantad sa iba’t ibang klase ng pang-aabuso ang isang caregiver, madalas ay biktima sila ng harassment, violence at economic exploitation na kailangang ngayon pa lamang ay maibigay natin sa kanila ang kanilang proteksyon.
Ang mga Pilipinong caregiver ay walang dudang bahagi ng pinakamahuhusay na caregiver sa buong mundo dahil kilala tayo hindi lang sa sipag, husay at kaalaman kundi maging sa malasakit at tunay na pagkalinga.
Hindi natin maitatanggi ang kalidad ng kalinga mula sa ating mga Filipino caregivers. Kaya habang sila ay kinikilala ng mundo sa nasabing kagalingan, nararapat lamang na ating bigyang-pansin ang mga caregivers sa mismong bansa natin.
Sa kasalukuyan ay dumarami na ang mga homecare at unti-unti ay natatanggap na ng ating mga kababayan na bukod sa pamilya ay may lugar pang maaaring paglagakan sa ating mga nakatatandang kaanak na kailangan ng makakasama at aktibong kapaligiran.
Dahil dito, lumawak din ang oportunidad para sa ating mga caregiver at patuloy na tumataas ang bilang ng populasyon na nangangailangan ng kalinga mula sa mga caregivers hanggang sa ibang bansa at malaki ang bentahe ng mga Pilipino sa larangang ito.
‘Ika nga, saanmang sulok ng mundo, subok na ang mga Pilipino, hindi lang sa husay, ngunit lalo na sa hindi mapapantayang kalinga at malasakit, hindi nila basta ginagawa ang kanilang trabaho dahil lang tungkulin nila ito, ngunit higit pa rito.
Kaya binibigyang-puri rin natin ang aking kumpare na si Sen. Jinggoy Estrada dahil pinangunahan niya ang panukalang ito na bigyan ng atensyon ang ating mga caregiver at kaisa tayo ng ating kapwa mambabatas na isinusulong din ito at salamat din na kasama ang Senate Bill No. 1430 ng inyong lingkod sa inaral at tinalakay ng Komite.
Dahil sa laki ng suporta sa panukalang ito, naniniwala akong isa sa mga panahong ito ay magiging isang ganap na batas na ang ipinagmamalasakit nating ito patungkol sa mga caregiver.
Naihabol din natin na mag-co-sponsor sa Senate Bill No. 2028 under Committee Report No. 61 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 10868 o ang ‘Centenarians Act of 2016’ upang ilarga na ang karagdagang benepisyo sa ating mga senior citizens na may edad 80 at 90, ang inyong lingkod din ang principal author ng naturang bill.
Kung inyong natatandaan, ako rin ang nanguna sa pag-amyenda nito noong 2020 sa panahon ng 18th Congress.
Naantala man nang bahagya, alam nating darating ang tamang panahon para rito at posibleng isa na sa mga araw na ito ay lumusot na ang naturang panukala dahil isa sa aking prayoridad na isulong ang karagdagang benepisyo pa ng ating mga senior citizen.
Hindi tayo mapapagod at matitinag para ilaban ang panukalang ito dahil ang ating mga minamahal na senior citizens ay karapat-dapat lang na mabigyan pa ng karagdagang benepisyo—dahil kilala tayo bilang mapagkalinga sa mga nakatatanda sa atin.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, tanging ang mga umabot lamang sa edad 100 at makakatanggap ng cash gift mula sa pamahalaan, ngunit maraming senior citizen ang hindi na umaabot sa nabanggit na edad.
Ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang karaniwang haba o inaasahang edad ng isang tao noong 2022 ay 71-anyos para sa lalaki at 78-anyos para sa babae.
Marami ngang benepisyaryo ang sobrang tanda na para ma-enjoy o pakinabangan pa ng tama ang cash gift na kanilang natatanggap at maraming pagkakataon na hindi na naiintindihan ng ating mga lolo at lola kung para saan at kung bakit mayroon silang natatanggap.
Kaya heto tayo at nagsusumikap na isulong ang ating panukala na baka naman puwedeng mas maaga nilang pakinabangan ang cash gift para ma-enjoy pa nila ang benepisyo dahil naiintindihan at maliwanag pa sa kanila ang lahat.
Kung magiging ganap na batas, ang cash gift na kabuuang P100,000 ay hahatiin sa tatlong bigay, una sa edad 80, pangalawa ay 90-anyos at edad 100 ang panghuli. Ang halaga nito ay base sa annual adjustment ng National Economic and Development Authority (NEDA) para akma pa sa mga gastusin.
Ang sa akin lang, kilalanin sana natin ang papel na ginampanan ng ating mga lolo’t lola, hindi lang sa ating mga buhay kundi sa lipunan at buong bansa, dahil kung wala sila, wala rin tayong lahat sa mundong ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments