Dagdag-ayuda, tiyakin muna bago ECQ extension
ni Ryan Sison - @Boses | August 15, 2021
Hindi kakaynin ng mga lokal na pamahalaan na magbigay pa ng dagdag na ayuda kung palalawigin pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) na nakatakdang ipatupad hanggang Agosto 20.
Ito ang iginiit ng ilang taga-Metro Manila Council matapos imungkahi ng Department of Health (DOH) na pahabain pa ang ECQ upang mapababa ang aktibong COVID-19 cases sa NCR.
Paliwanag ng QC LGU, hindi na kakayanin ng siyudad ang pagpapalawig ng lockdown kung walang ayudang maibibigay ang nasyonal na pamahalaan, habang ganundin ang pananaw ng alkalde ng San Juan City.
Ayon sa dalawang opisyal, kung may granular lockdown, kakayanin pang maibigay ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Giit ni San Juan mayor, kakayaning magbigay ng food ayuda sa kanilang mga residente sa loob ng dalawang linggo, habang kaya namang bigyan ng P3,000 ang mga kabahayang magkakaroon ng COVID-19 positive case.
Samantala, may kaunting pagkukulang na rin sa pondo ng Pasig City, ngunit tiniyak ng lokal na pamahalaan na mabibigyan ang mga hindi naabutan ng tulong.
Kung sa dalawang linggong ECQ na ito ay naging laban-bawi pa ang pagbibigay ng ayuda, ang tanong, may maibibigay pa ba tayong tulong-pinansiyal sa mga apektado nating kababayan?
Bagama’t patuloy ang distribusyon ng ECQ 3 ayuda, marami pa rin ang nangangamba na kulangin ito kung sakaling pahabain pa nga ang lockdown.
Mabuting ngayon pa lang ay nagsasabi na ang mga lokal na pamahalaan kung kakayaning tugunan ang pangangailangan ng kanilang nasasakupan dahil sa ganitong paraan, mas mapaghahandaan at malalaman kung anu-ano ang mga dapat gawin ng nasyonal na pamahalaan.
Gayunman, panawagan natin sa mga kinauukulan, ilang araw na lang ay nakatakda nang matapos ang ECQ sa rehiyon, kaya naman galaw-galaw upang hindi tayo nga-nga pagdating ng panahon.
Ang mga abisong ito ay hindi upang umasa lang sa gobyerno kundi para maging handa tayo sa mga susunod na araw.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments