Dagdag-allowance sa titser, 'di natin tatantanan
- BULGAR
- May 15, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 15, 2023
Kapit lang sa ating mga mahal na guro dahil natatanaw na natin ang dati na kislap lang sa dilim, ngunit ngayon ay isang maliwanag na direksyon tungo sa pagsasakatuparan ng matagal na nating itinataguyod para sa mga teachers—ang pagiging ganap na batas ng Teaching Supplies Allowance (TSA).
Noong nakaraang Miyerkules, ginabi na kami sa Senado dahil sa talastasan at deliberasyon sa paghimay sa aking Senate Bill No. 1964 o Kabalikat sa Pagtuturo Act, na isang malaking tulong sa ating mga guro.
Wala naman tayong ibang layunin sa paninindigan nating ito kundi ang maging permanente na ang TSA para sa public school teachers dahil ang karagdagang panggastos na ito ay hindi naman mapupunta sa personal nilang pangangailangan.
Maganda ang layunin ng panukalang ito at katunayan ay matagumpay kong naihatid ang pagkakapasa nito on third reading sa Senado noong 18th Congress, gayundin noong 17th Congress.
Buong-buo ang suportang nakuha nito sa mga kapwa ko Senador at wala kahit isa ang tumutol sa botohan noon matapos din ang masusing deliberasyon.
Ngunit dahil hindi ito naipasa ng Mababang Kapulungan, hindi pa rin ito naging ganap na batas, kaya heto tayo at muling pinagsisikapang maisabatas ang mahalagang panukalang ito.
Layon lang naman ng naturang panukala na palakasin ang TSA, na mas kilala sa tawag na ‘chalk allowance’, upang madagdagan ang kasalukuyang allowance ng mga public school teacher na hindi na sumasapat sa kanilang mga gastusin.
Ang kasalukuyan kasing chalk allowance ng mga guro ay nakabase lamang sa isang special provision sa General Appropriations Act sa ilalim ng taunang budget ng Department of Education (DepEd) kung saan P5,000 lang ang natatanggap ng mga teacher.
Sa ilalim ng panukala na aking itinataguyod, bawat guro ay tatanggap ng P7,500 sa taong 2024 at P10,000 naman simula sa taong 2025. Kung tutuusin, hindi ito napakalaking halaga, ngunit sadyang malaking tulong ito para sa itinuturing nating pangalawang magulang ng ating mga anak.
Matapos maisabatas ng TSA, tiyak na matatanggap na ito ng bawat guro at hindi basta-basta na lamang mababawi at matatanggal.
Magbubunga ito ng seguridad para sa kapakanan ng mga guro at mapapagaan ang kanilang pagtuturo, na sa huli ay ang mga kabataang Pilipino rin ang makikinabang na sa kabuuan ay ang pagsulong bansa.
Sa ating pagtataguyod nito simula 18th Congress, 904,034 public school teachers ang makikinabang sa naturang allowance at hindi naman nila ito ikayayaman dahil kaunting kaluwagan lang naman ito.
Napakataas kasi ng pagtingin natin sa ating mga guro, kaya nakakaligtaan natin na tulad ng mga ordinaryo nating kababayan, may mga pangangailangan din sila sa kanilang buhay.
Mabuti na lamang kung ang isang pubic school teacher ay nakapag-asawa ng kapwa niya guro o kapwa niya may hanapbuhay dahil mayroon siyang katuwang sa mga gastusin sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
Pero dapat din nating isipin na may mga single parent, may mga teacher din na may asawa, ngunit walang hanapbuhay o hindi naman sapat ang kinikita para magtaguyod ng isang buong pamilya.
Ito ang karaniwang sitwasyon ng isang guro na hindi natin gaanong napagtutuunan ng pansin dahil nilulukob tayo ng paghanga at respeto sa kanilang propesyon, na kahit ano pang marating natin sa buhay ay hindi nagbabago ang tawag natin sa kanilang Ma’am o Sir.
Ngunit bahagi ng kanilang kabayanihan ay pinagkakasya nila ang kakarampot nilang suweldo sa personal at pampamilya nilang gastusin, pero hindi alam ng marami na rito rin nila kinukuha ang pambili ng supplies na gagamitin nila sa pagtuturo.
Walang nag-uutos sa mga guro na gawin ito, ngunit maliwanag na nababawasan pa nila ang kanilang suweldo na dapat ay ipambibili na lamang ng pagkaing isusubo ng kanilang pamilya,
ngunit napupunta pa sa kanilang pagtuturo dahil iniisip nila ang kapakanan ng mga mag-aaral.
Napakaraming gastusin sa pagtuturo—nand’yan ang chalk, ballpen, bond paper, art paper at napakarami pa na lahat ay inaako ng isang teacher, lalo na noong panahon ng pandemya na kailangan nilang bumili ng load para lamang maiparating ang kaalaman sa mga batang hindi makalabas ng bahay.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, nakipag-ugnayan na tayo kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman at matagumpay nating nakuha ang kanyang suporta hinggil sa ating panukala.
Kung tutuusin, ang budgetary requirement para sa implementasyon ng naturang panukala ay hindi naman lalagpas sa 1% ng budget ng DepEd.
‘Yung hinihiling natin para sa mga teacher ay less than 1% of the total budget na allocated sa DepEd. Ito ay bilang pagkilala natin sa hirap ng ating mga guro at ang karagdagang P4.4 bilyon ay hindi makakasakit sa kaban ng bansa kapalit ng maayos na edukasyon ng mga kabataan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments