top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Dagdag-allowance sa mga guro pakunsuwelo sa kanilang sobrang sakripisyo, ‘di pang-i-spoil

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 19, 2020
  • 2 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 19, 2020



Noong nakaraang linggo ay tuwang-tuwa tayo dahil pumasa na sa ikalawang pagbasa ang isinumite nating panukala na Senate Bill No. 1092 o ang Teaching Supplies Allowance Act of 2020 dahil wala naman tayong ibang layunin kung hindi ang mapagaan ang gastusin sa pagtuturo ng mga guro.


Aabot sa 800,000 pampublikong guro ang makikinabang sa panukalang ito sakaling maging ganap na batas at malaking tulong ito para lalong magpursige ang mga guro na hubugin pa ang ating mga mag-aaral.


Kaya lang kasunod nito ay nagkaroon ng tila hindi pagsang-ayon ang Federation of Associations of Private Schools Administrators (FAPSA) tungkol sa pagkakapasa sa ikalawang pagbasa ng cash allowance bill sa Senado.


Hindi natin minamasama ang pahayag ng FAPSA at nirerespeto natin ito dahil ito ang kanilang pananaw at malaya silang makapagpapahayag ng kanilang opinyon lalo pa at humuhubog din sila ng mga mag-aaral ngunit sa pribadong paaralan.


Kaya lamang nais nating bigyang-linaw na kailan man ay hindi natin ini-spoiled ang mga pampublikong guro dahil lamang sa pumasa na sa ikalawang pagbasa ang iniakda nating panukala.


Alam ng lahat kung gaano nagsasakripisyo ang mga pampublikong guro, lalo na ‘yung mga nasa probinsiya na umaakyat ng kabundukan at tumatawid pa ng malalalim na ilog makarating lamang sa paaralang kanilang pinaglilingkuran.


At ngayon na nasa gitna tayo ng pandemya ay napakalaking tulong ng teaching supply allowance sakaling maging ganap na batas na para magampanang mabuti ng pampublikong guro ang kanilang responsibilidad.


Lalo pa ngayong tumutupad sila sa makabagong sistema ng pagtuturo, na obligado silang magsagawa ng klase online kung saan napakarami nilang problemang kinahaharap at hindi sila kinakakitaan ng dahilan para itigil na ang kanilang ginagawa.


Sa kabila ng kakulangan ng gadgets at internet connection ay patuloy pa rin ang pampublikong guro sa pagtuturo at ‘yung hindi abot ng kasalukuyang teknolohiya ay personal nilang ipinamamahagi ang mga module sa bawat mag-aaral.


Bago pa man ang pandemya ay talaga namang naglalabas na ng pera mula sa kanilang bulsa ang mga teacher para makabili lamang ng chalk, manila paper at iba pang materyales para magamit sa visual aids.


Pati cleaning supplies para sa classroom tulad ng sabon, floor wax, basic educational tools hanggang sa minsan pati estudyanteng walang baon ay binibigyan pa nila para huwag magutom at hindi mahilo sa gitna ng klase.


Hindi naman ikayayaman ng mga pampublikong guro ang teaching allowance dahil sapat lang ito o baka kulangin pa dahil sa mabilis na pagtaas na presyo ng mga bilihin.


Isipin n’yo tumatangap lamang sila ng P3,500 kada taon na pumapatak lamang P16 bawat araw at sa aking panukala, bawat guro ay tatanggap ng P5,000 para sa school years 2021-2022 at 2022-2023. Ito ay kalaunang tataas sa P7, 500 para sa school year 2023-2024 at P10, 000 para sa school year 2024-2025 na magpapatuloy hanggang sa mga susunod pang taon.


Kung tutuusin kulang pa ito para mas maipadama nating mahal natin ang ating mga guro na pinagkakatiwalaan natin para hubugin ang ating mga anak.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page