top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Dagdag-allowance at benefits sa mga titser, uusad na

BULGAR
Jan 23, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 23, 2023


NOONG nakaraang linggo kung inyong naaalala ay ikinuwento ko sa inyo ang naging pagbisita ko sa Kalibo, Aklan para makilahok sa Ati-Atihan Festival na isa sa paraan ng ating pasasalamat sa Panginoon sa lahat ng biyayang ating natatanggap.


Walang pulitika ang paglahok kong ito sa isang napakataimtim na pagdiriwang, na panata rin ng napakarami nating kababayan tulad nang paglahok ng ilan sa Pista ng Itim na Nazareno na taun-taon din nilang isinasagawa.


Ang Ati-Atihan ay isinasagawa tuwing Enero bilang pagkilala sa Santo Niño (Holy Child o Infant Jesus) sa ilang bayan ng lalawigan ng Aklan, Panay Island ngunit ang pinakamalaking selebrasyon ay isinasagawa sa Kalibo.


Kinabukasan, Enero, 15, kasama rin sa aking panata ang pagdalo sa Sinulog-Santo Niño Festival na isa ring taunang cultural at religious festival na ipinagdiriwang din tuwing Enero sa Cebu City na siyang sentro ng Santo Niño Catholic celebration sa Pilipinas.


Ang Sinulog ay ikinukonsiderang pinakauna at pinakamalaking festival sa bansa na dinadaluhan ng milyun-milyon nating kababayan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Pero hindi pa d’yan nagtatapos ang ating paglalakbay dahil nagtungo rin tayo kahapon (Enero 22) sa Dinagyang sa Iloilo City at Sinulog sa Carmen Festival sa Carmen, Cebu na bahagi rin ng aking isinasagawang panata kada taon.


Nais kong pasalamatan sina Congresswoman Julienne ‘Jam’ Baronda at Iloilo City Mayor Jerry Trenas na sumalubong sa atin bago tayo nagtungo sa San Jose Church para dumalo sa misa.


Mula rito ay sabay-sabay na kaming lumakad patungo sa grandstand kung saan sinalubong kami ng napakaraming tao na karamihan ay pinaunlakan natin ng yakap, kamay at pagpapakuha ng larawan.


Dito, nagbigay tayo ng maikling pananalita dahil naulinigan pala ng mga tagaroon ang ating pagdating at hindi naman tayo pumayag na mabigo sila na makadaupang-palad natin kahit sandali, na sinuklian naman nila ng napakainit na pagtanggap na hinding-hindi natin makalilimutan.


Bahagyang tinalakay din natin ang mga nakatakda na nating gawin ngayong araw ng Lunes, dahil santambak talaga ang nakahanay na kailangan nating isumite na mga bagong panukalang batas para naman malaman ng ating mga kababayan.


Bilang chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, pangungunahan natin ang pagdinig patungkol sa pagtataas ng teaching supplies allowance para sa mga guro at iba pang benepisyo.


Alam naman ng lahat kung gaano kaliit lamang ang suweldo ng ating mga pampublikong guro at mga karagdagang allowance na tulad nito na tinawag nating ‘Chalk Allowance’ ay napakalaking tulong na.


Bilang chairman din ng Committee on Public Works ay ibinahagi ko rin sa mga nakikinig ang patuloy na isinasagawa nating inspeksyon sa mga pampublikong imprastraktura na tinamaan ng lindol at iba pang kalamidad upang masiguro na ligtas pa itong gamitin.


Hindi ko man lahat naibahagi sa mga taga-Iloilo City ang ating mga nainspeksyon ngunit nais ko lang ipabatid sa ating mga tagasubaybay na halos lahat ng mga nagdaang kalamidad sa bansa dulot ng bagyo, baha at lindol ay atin nang napuntahan.


Napakarami nang pampublikong imprastraktura na nasira at kinalampag na mismo natin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na bigyang prayoridad upang hindi maapektuhan ang kabuhayan ng ating mga kababayan.


Hindi lang nagtapos sa pag-iinspeksyon ang ating ginagawa dahil mayroon din tayong isinasagawang monitoring kung ano na ang nangyayari sa mga nasirang imprastraktura — kung gumagana na ba o hanggang ngayon ay nakatengga pa rin.


Mula sa munting programang isinagawa ay agad na kaming lumipad patungong Cebu para dumalo naman ng Sinulog sa Carmen Festival kung saan nakasama natin sina Cebu Governor Gwen Garcia at Carmen Mayor Carlo Mariano Villamor.


Lingid sa kaalaman ng marami na ang sikat na sikat sa Cebu City na Sinulog Festival ay unang ginanap sa Carmen noon pang 1974 at naging taunang festival na ito at ito ngayon ay nasa ika-50 taong festival na.


Kaya lumalabas na mayroong dalawang pagdiriwang, ito ang Sinulog Festival sa Cebu City na una nating pinuntahan at ang Sinulog sa Carmen Festival na isa ring malaking selebrasyon.


Grabe rin ang naranasan nating pagtanggap ng mga taga-Carmen kaya umakyat tayo sa kanilang grandstand bilang special guest at upang paunlakan din ang napakaraming nais tayong makita bago tayo dumalo ng misa at nakisayaw sa mga deboto ng Sto. Niño.

Masaya ang naging pagtanggap sa atin ngunit higit na masaya ay naisakatuparan ko ang aking panata na makapagpasalamat sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya at patuloy na paggabay.


Halos kasabay nito ay abala naman ang Chinese community at mga kababayan nating Chinoy sa pagsalubong ng Chinese New Year na isa umanong Year of the Rabbit, kaya bumabati tayo ng Kiong Hee Huat Tsai!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page