top of page

Daang kaso ng food-borne at vector-borne illness, epekto ng El Niño

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 7, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 7, 2024


Matingding binabantayan ng Department of Health (DOH) ang mga naitatalang kaso ng water contamination, food-borne at vector-borne illnesses sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, sa gitna ng nararanasang epekto ng El Niño phenomenon.


Sa datos ng DOH hinggil sa mga El Niño-related health events noong Enero 2024, nakapagtala ng 469 kaso ng kontaminadong water sources sa Cordillera Administrative Region (CAR), Region 11 at 4A.


Nasa 59 kaso naman ng food-borne illnesses sa National Capital Region (NCR), Region 10 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Habang mayroong 137 cases ng vector-borne diseases tulad ng dengue at chikungunya sa Region 10 at 4B.


Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, hindi naman nakakaalarma ang nasabing mga bilang sa kabuuan, pero patuloy nilang binabantayan ang mga dinapuan ng mga naturang sakit, habang ang ilan sa kanila ay kasalukuyan namang nagpapagaling o nakarekober na.


Sinabi rin ni Domingo, na ang maganda rito ay wala pang nai-report na kaso ng heat stroke sa ating bansa. Payo naman niyang mag-ingat sa paglabas ng bahay at iwasang magbilad sa araw.


Tila hindi mapigilan na may mga umuusbong na sakit na epekto na rin marahil ng nararanasang El Niño phenomenon.


Ang kailangan lang siguro nating gawin ay mag-ingat nang mabuti, lalo na sa mga iniinom nating tubig at mga kinakain. Dapat din nating panatilihin na malinis ang ating kapaligiran para maiwasan na pamugaran ito ng mga lamok na nagdadala ng dengue at iba pang katulad na sakit.


Gayundin, huwag tayong magbilad sa araw upang hindi tamaan ng heat stroke. Hindi rin tamang magsuot ng masisikip na mga damit, ang dapat ay light-colored lamang. 


Hangga’t maaari rin ay uminom ng walong baso ng tubig o higit pa kada araw para manatili tayong hydrated.


Laging tandaan na kailangang alagaan natin ang ating sarili para hindi tayo magkasakit at magkaroon ng mabuting kalusugan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page