top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

D-League: Nakaporma ang ECO-DLSU, Wangs-Letran, Nanlampaso

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 16, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 16, 2022




Isang koponan na lang ang walang talo matapos ilampaso ng Wangs-Letran ang Marinerong Pilipino, 70-64, sa tampok na laro kahapon sa 2022 PBA D-League Aspirants Cup mula sa Ynares Center ng Antipolo City. Sa unang laro, nakabawi ng porma ang Eco Oil-De La Salle at pinisa ang palaban na Centro Escolar University, 76-65.


Kahit lumamang ang Letran ng 17 sa pagwakas ng 3rd quarter, 54-37, hindi basta sumuko ang mga Skippers at humabol upang itabla ang laro sa 58-58 at 3:47 sa orasan.


Dito nasubukan ang tatag ng Knights at sumandal sila sa magkasunod na three-point play ni Brent Paraiso at shoot ni Ira Bataller upang lumayo, 70-62 at 7 segundo ang nalalabi.


Bumuhos ng 14 puntos sina Paraiso at Kurt Reyson para manatiling perpekto ang Letran sa tatlong laro. Sinuportahan sila ni Kobe Monje na may 13 puntos bilang reserba.


Ito ang unang talo ng Skippers na kinabibilangan ng 8 manlalaro ng Mapua University, ang koponan na tinalo ng Letran para sa titulo ng nakaraang 97th NCAA Seniors Basketball Tournament. Pumukol ng limang tres si Jollo Go para sa 20 puntos, 11 puntos si Arvin Gamboa subalit nalimitahan sa 10 puntos lang si Juan Gomez de Liano.


Bumalik sa panalo ang Eco Oil salamat sa malakas na 4th quarter. Huling nahawakan ng Scorpions ang lamang, 59-58, subalit bumanat ng 16 sunod-sunod na puntos ang Green Archers sa pangunguna nina Joaquin Manuel at Cyrus Austria upang lumayo, 74-59, na siya ring pinakamalaking lamang nila at 1:28 ang nalalabi sa orasan.


Namuno sa ikalawang panalo ng Green Archers si Austria na may 18 puntos at umangat sa 2-1 panalo-talo. Sinubukan ni Coach Frederick Pumaren na gawing reserba si Michael Phillips at nagbunga ito ng 12 puntos at 11 rebound habang 12 puntos din ang rookie na si Anfernee Estacio.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page