D-League: Marinero, solo lider na, Wangs, nakahabol
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 13, 2022

Umakyat sa maagang solong liderato ang Marinerong Pilipino matapos tambakan ang Eco Oil-De La Salle, 84-64, sa pagpapatuloy ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City. Nagpasikat sa kanyang bihirang triple double si Juan Gomez de Liano at katulong ang matalas na shooting si Jollo Go ay inihatid ang Skippers sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
Binuksan ni Go ang 4th quarter sa 2 magkasunod na 3-points at dalawang free throw para sa 70-51 na lamang at tuluyang lumaki ito sa 80-55 papasok sa huling 4 na minuto matapos ang magkasunod na shoot nina Arvin Gamboa at Adrian Nocum. Sa gitna ng huling subok lumapit ng Green Archers, tinuldukan ni Gomez de Liano ang laban sa pang-apat na tres at itakda ang iskor sa 84-64.
Nagtapos si Gomez de Liano na may 27 puntos, 11 rebound at 10 assist. Sumunod si Go na may 17 puntos laban sa dating paaralan.
Nanguna sa Green Archers ang rookie na si Anfernee Estacio na may 13 puntos at reserba Joaquin Manuel na may 12 puntos. Nalimitahan ng depensa subalit double-double pa rin si Michael Phillips subalit 10 puntos lang ang nagawa kasama ang 12 rebounds.
Sa 2nd game, sinayang ng Wangs-Letran ang 16 puntos na lamang at bumawi sa 4th quarter para masugpo ang AMA Online Education, 89-84. Biglang uminit ang AMA at inaagaw ang lamang matapos ang 3rd quarter, 72-66, subalit nagising ang Knights sabay naubos ang enerhiya ng Kings upang maitakas ang pangalawang tagumpay at pumantay sa Marinero.
Nagkataon na si King Caralipio ng Letran ang yumari sa AMA Kings sa 21 puntos at 10 rebound. Sinundan siya nina Paolo Javillonar na may 17 puntos at Brent Paraiso na may 12 puntos.





Comments