Cycling Classic, ipakikita ang new normal event sa Pebrero

Updated: Jan 9, 2021
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 6, 2021

Magaganap ang Clark Cycling Classic ngayong Pebrero 7, 2021 sa Clark Parade Grounds. Ito na ang unang karera sa loob ng tinatawag na new normal na handog ng GoClark Sports and Events.
Tampok sa karera ang dalawang hiwalay na kategorya na 44 at 34 kilometrong Individual Time Trial. Bilang pagsunod sa health at safety protocol, isa-isang pakakawalan ang bawat siklista at ang buong karera ay limitado lang sa unang 250 na sasali.
Papayagan lang gamitin ang Time Trial, Triathlon o Road Bike. Maaaring baguhin ang daraanan ng ruta bunga ng mga kasalukuyang pag-aayos ng kalsada sa Clark.
Ayon sa pahayag ng GoClark, susundin nila ang lahat ng alituntunin ng Department of Health, Inter-Agency Task Force, Bases Conversion and Development Authority at Clark Development Corporation. Ang 250 na kalahok ay pasok na pasok sa itinakdang 50% ng kapasidad ng lugar na maaaring mapuno
Ang lalawigan ng Pampanga ay nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) at pinapayagan ang mag-bisikleta mag-isa sa kalsada. Pinapaalala sa lahat na mahigpit pa ring paiiralin ang paggamit ng maskara at face shield, paghugas ng kamay at pananatili ng agwat sa kapwa.
Bilang karagdagang pag-iingat, palalawakin ang panahon upang kunin ang mga race kit o maaaring ihatid ito sa tahanan, gagawin ang race briefing sa pamamagitan ng social media at hindi na magkakaroon ng salo-salo pagkatapos ng karera habang gagawaran ang mga kampeon sa online. Kailangan din bantayan ng lahat ng sariling kalusugan 14 araw bago ang karera.





Comments