top of page
Search
  • BULGAR

Cybersecurity team kada ahensya ng gobyerno, panlaban sa hacker at scammer

@Editorial | October 09, 2023


Lumalala na ang mga kaso ng cyberattacks.


Ilang government agencies na ang napasok ng mga hacker, scammer at hindi lang basta nagdudulot ng abala, nagbabanta na rin sila kapag hindi nagbigay ng ransom.


Kaugnay nito, inihayag ng Department of Information and Communications Technology na dapat magkaroon ng sariling cybersecurity response team ang mga government agencies.


Kahit umano may National Computer Emergency Response Team (NCERT) ang Pilipinas, hindi kayang hawakan ng naturang team ang lahat ng ahensya ng gobyerno na nangangailangan.


Ang NCERT ay isang unit sa ilalim ng DICT na tumatanggap, nagsusuri, at tumutugon sa mga computer security incidents.


Kunsabagay, hindi na talaga kakayanin kung halos sunud-sunod ang nangyayaring cyberattacks at nagle-level up pa ang modus nila.


Kailangang makagawa ng paraan ang kinauukulan na malabanan ang ilegal na gawain.


Batid naman natin na ang mga transaksyon sa gobyerno ay may kaugnayan sa publiko.


Malalagay din sa alanganin ang kaligtasan ng mamamayan kapag nalantad ang mga impormasyon na dapat ay pribado.


Bilis-bilisan sana ang kilos ng mga opisyal ng gobyerno bago pa maghari ang mga manloloko.


Kung may mahuli, ilantad sa publiko at patawan ng mas mabigat na parusa.


Ang teknolohiya ay nilikha para mas mapadali ang pamumuhay, hindi para mang-abuso ng kapwa.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page