top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Curry, Tatum at Brown, nandurog sa unang araw

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 20, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 20, 2022



Sinimulan ng inspiradong Golden State Warriors ang depensa ng World Championship sa bisa ng 123-109 pagdurog sa bisitang Los Angeles Lakers kahapon sa Chase Center sa unang araw ng bagong taon ng NBA. Sa unang laro, nagpasikat ang Boston Celtics at ipinadapa ang bisitang Philadelphia 76ers, 126-117, sa TD Garden.


Minsan lang natikman ng Lakers ang lamang sa shoot ni Anthony Davis upang buksan ang aksiyon. Nagawang maitabla nila ang laban sa 22-22 subalit mula roon ay rumatrat ng todo ang Warriors.


Nagbuhos ng 13 sunod-sunod na puntos ang Golden State upang maabot ang pinakamalaking lamang, 91-64, 1:49 bago magwakas ang third quarter. Kahit nagbanta ang Lakers, ipinasok ni Stephen Curry ang pandiin na tres upang gawing 114-98 ang iskor at hudyat para sumuko ang Los Angeles at umupo na si LeBron James sa nalalabing 3 minuto.


Mainit ang simula ni Curry ngayong taon sa kanyang 33 puntos sa 33 minuto.


Sinuportahan siya nina Andrew Wiggins na may 20 at Klay Thompson na may 18 puntos.


Pinatunayan ng Celtics na tama ang desisyon na huwag buwagin ang malupet na tambalan nina Jayson Tatum and Jaylen Brown at agad iginawad kay Coach Joe Mazzulla ang tagumpay sa unang laro sa NBA. Bumanat si Tatum ng 17 puntos sa 3rd quarter upang kumalas mula sa 63-63 tabla noong halftime at lumamang papasok sa 4th quarter, 98-88, at hindi na nila ito binitawan.


Parehong nagtapos na may tig-35 puntos sina Tatum at Brown. Tinuldukan ni Brown ang laro sa 3-points na nagbigay sa Boston ng pinakamalaking lamang, 126-110, at 1:26 sa orasan.


Nasayang ang 35 puntos ni James Harden pati ang double-double ni Joel Embiid na 26 puntos at 15 rebound. Nagdagdag ng 21 puntos si Tyrese Maxey.


Isang dosenang laro ang nakatakda ngayong 2nd day ng liga. Kasama ang mga laro nina Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at Utah Jazz laban sa bisitang Denver Nuggets habang dadalaw si kabayan Jalen Green at Houston Rockets sa Atlanta Hawks.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page