Curry ng Golden State at Celtics nakaresbak
- BULGAR
- 1 day ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 5, 2026

Photo: Golden State Warriors
Kumpleto muli ang Golden State Warriors at bumawi sila ng panalo sa bisitang Utah Jazz, 123-114 sa NBA kahapon sa Chase Center. Pinigil din ng Boston Celtics ang arangkada ng LA Clippers, 146-115.
Kinailangan ng GSW ang malakasang pangatlong quarter kung saan humabol sila galing 58-65 at gawing 100-96 sa likod ng 20 puntos ng nagbabalik na si Stephen Curry. Hindi na nakabangon ang Jazz at tuluyang lumaki ito sa 123-110 sa mga free throw ni Curry at dunk ni Trayce Jackson-Davis.
Nagtapos si Curry na may 31 buhat sa anim na tres habang tig-15 sina Jimmy Butler III at Quentin Post. Hindi naglaro sina Curry, Butler at Draymond Green noong isang araw at tinambakan sila ng bisitang World Champion Oklahoma City Thunder, 94-131.
Nagpalitan ng 3-points sina Derrick White at Kawhi Leonard sa simula, 3-3 at iyan na ang natatanging hirit ng Clippers na pumasok sa laban na pinakamainit sa NBA na may anim na sunod na tagumpay. Patuloy ang pukpok ng Boston at lumobo sa 144-111 bago ang huling 2 minuto.
Napantayan ni Jaylen Brown ang kanyang personal na markang 50 na una niyang naabot sa 116-111 panalo ng Celtics sa Orlando Magic noong Enero 2, 2022.
May pagkakataong magtatag ng bagong marka si Brown subalit pinaupo na siya sa huling 3:44 matapos maipasok ang ika-50 at 133-109.
Triple double si Deni Avdija at wagi ang Portland Trail Blazers sa San Antonio Spurs, 115-110. Nagtapos ang tubong-Israel na 6'8" gwardiya na may 29, 11 rebound at 10 assist.
Bumida si Anthony Davis sa 110-104 tagumpay ng Dallas Mavericks sa Houston Rockets at wakasan ang apat na sunod na talo. Gumawa ng 26 at 12 rebound si Davis at mapawalang-bisa ang 34 ni Kevin Durant.




